KAKATWANG DOKTOR

KAKATWANG DOKTOR

July 26, 2022 @ 7:50 PM 2 weeks ago


PARA sa isang alkaldeng nagpursige sa kanyang termino upang mabigyan ng napakailap na kaginhawahan ang kanyang bayan, hindi deserve ng kilalang anak ng Lamitan City na si Rose Furigay ang naging pagtatapos ng kanyang buhay noong Linggo.

Nagsilbi sa tatlong magkakasunod na termino bilang alkalde ng kabisera ng Basilan, si Furigay ay binaril at napatay ng isang kakilala niya habang nasa Ateneo de Manila University sa Quezon City para sa graduation ceremony ng anak niyang babae.

Sa huli niyang state of the city address Marso ngayong taon, iniulat ni Furigay na ang kanyang siyudad ay nakapag-ulat ng average growth rate na 20% sa loob ng walong taon niyang pamumuno. Lumago ang mga negosyo ng 60.6 %, dahil sa kanyang Business One Stop Shop (BOSS).

Wala siyang naging kalaban nang muli siyang nahalal, at sa huling eleksiyon noong Mayo, dahil sa kanyang mahusay na track record bilang alkalde, kaagad na nahalal ang asawa niyang si Roderick upang ipagpatuloy ang pamana niyang mahusay na pamumuno.

Kinokondena ng Firing Line ang marahas niyang pagkamatay sa kamay ng isang bayolenteng lalaki, na pumaslang din sa kanyang matagal nang executive assistant na si Victor George Capistrano at sa security guard sa Ateneo campus na si Jeneven Bandiola, habang tarantang tumatakas mula sa lugar ng krimen.

Hindi rin deserve ng anak ni Furigay, si Hannah Rose, na mangyari ang trahedya sa araw ng kanyang graduation sa Ateneo Law School. Nasugatan siya sa pag-atake at muntik nang sapitin ang naging kapalaran ng kanyang ina.
* * *
Ang suspek, kinilala ng pulisya bilang ang doktor na taga-Basilan na si Chao Tiao Yumol, 38, na ilang beses nang naghain ng reklamo laban kay Furigay. Pagkatapos maaresto, lakas-loob na binigyang-katwiran ni Yumol ang kanyang ginawa nang sabihin niya sa mga mamamahayag na sangkot daw ang pamilya ng biktima sa bentahan ng iligal na droga.

Batay sa record, ilang beses nang pinaratangan ni Yumol ang mga Furigay at inimbestigahan pa ng Presidential Anti-Corruption Commission ang tungkol sa alegasyon niya noong 2018. Gayunman, nang ibinasura ng PACC ang reklamo dahil sa kawalan ng ebidensiya, naghain si Yumol ng kasong graft laban sa komisyuner ng ahensiya, si Greco Belgica, sa Ombudsman.

Sinabi pa ng kakatwang doktor na ang mga Furigay ang nasa likod ng tatlong beses na pagtatangka sa kanyang buhay, kabilang ang pananambang sa minamaneho niyang sasakyan sa Zamboanga City noong 2020. Ngunit wala siyang maipakitang ebidensiya para patunayan ito.

Gayunman, kamakailan ay sinasabing ipinag-utos ni Furigay ang pagpapasara sa klinika ni Yumol sa Lamitan City – marahil ang nag-iisang pruweba ni Yumol na hindi natutuwa sa kanya ang pamilya ng mga politiko. Pero, ito dahilan para tapusin ni Yumol ang buhay ng isang tao.

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.