Kakayahan ng mag-aaral na bumasa paiigtingin sa ARAL bill – Gatchalian

Kakayahan ng mag-aaral na bumasa paiigtingin sa ARAL bill – Gatchalian

November 28, 2022 @ 8:24 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Inihayag ni Senador Win Gatchalian na kailangan paigtingin ang kakayahan ng mag-aaral sa pagbasa sa pamamagitan ng panukalang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Act na inihain kamakailan.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na bago pa man sumiklab ang pandemya ng COVID-19, lumabas sa isinagawang international large-scale assessments sa Pilipinas na na napag-iiwanan na ang Pilipinong mag-aaral kumpara sa ibang mag-aaral sa ibang bansa.

Sa 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), halos walumpung (79) bansa ang lumahok, Pilipinas ang may pinakamababang marka pagdating sa Reading o Pagbasa.

Ayon pa sa PISA, isa lamang sa limang mag-aaral na labinlimang taong gulang ang maituturing na nakakuha ng minimum proficiency sa Overall Reading Literacy.

Sa resulta naman ng 2019 Southeast Asia Primary Learning Metrics (SEA-PLM), 10 porsyento lamang ng mag-aaral sa bansa ang may minimum proficiency sa pagtatapos ng primary education.

Tinataya naman ng World Bank na simula noong Hunyo 2022, pumalo ang learning poverty sa bansa sa 90.9 porsyento, ang bilang ng kabataang sampung taong gulang pataas ang hindi marunong bumasa o umunawa ng maikling kwento.

Giit pa ng Chairman ng Senate Committee on Basic Education, nagdulot ng learning loss ang kawalan ng face-to-face classes.

“Ang pagbabasa ay isa sa mga pundasyon na dapat nating pagtibayin sa ating mga kabataan at mag-aaral. Ngayon natin higit na kinakailangang tutukan ang kanilang pagbabasa lalo na’t pinalala ng pandemya ang problema sa ating sektor ng edukasyon,” ani Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education.

Upang tugunan ang naging pinsalang sanhi ng pandemya ng COVID-19, inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 150 o ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Act na layong magpatupad ng pambansang programa para sa learning recovery.

Magiging bahagi ng naturang programa ang mga tutorial sessions. Bibigyan ding prayoridad ng programa ang Reading upang hasain ang critical at analytical thinking skills ng mga mag-aaral.

Ipinapanukala din ni Gatchalian na ideklara ang Nobyembre bilang National Reading Month. Sa Senate Bill No. 475, iminimungkahi ni Gatchalian ang pagkakaroon ng mga nationwide reading programs at activities bilang bahagi ng pagdiriwang ng National Reading Month. Ito ay upang isulong ang kultura ng pagbabasa sa mga mag-aaral ng basic education at kanilang mga komunidad. Ernie Reyes