Kakulangan ng PUVs dahil sa ‘no vaccine, no ride’ rule ikinabahala ng grupo

Kakulangan ng PUVs dahil sa ‘no vaccine, no ride’ rule ikinabahala ng grupo

January 16, 2022 @ 3:12 PM 7 months ago


MANILA, Philippines- Inihayag ng Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) na pinangangambahan nito ang posibleng kakulangan ng public utility vehicles sa implementasyon ng “no vaccine, no ride” rule sa Lunes.

Inilahad ni ALU-TUCP spokesperson Alan Tanjusay na mahihirapan din maging ang mga bakunadong manggagawa na pumasok sa trabaho dahil kaunting public utility drivers pa lamang ang bakunado laban sa coronavirus disease (COVID-19).

“Sa requirement na ‘yan, marami sa manggagawa ang hindi makapasok. Kung kumpleto sila, may vaccination card, mahihirapan pa rin,” sabi ni Tanjusay.

“Limitado ang jeepney at bus na lalabas kasi kakaunti lang ang vaccinated sa kanila,” dagdag niya.

Giit ni Tanjusay, “discriminatory” umano ang polisiya at iligal na gawing mandatoryo ang ang pagbabakuna gamit ang mass transport.

“Ilegal dahil labag sa kautusan na vaccination program law ng bansa na nagsasabi na hindi kinakailangan i-require ang vaccination card o vaccination kapalit ng public services kagaya ng public transportation,” aniya.

Dinepensahan naman ng Department of Transportation (DOTr) ang polisiyang ito, kung saan binanggit ang resolusyon ng Metro Manila Council (MMC) na paghigpitan ang mga hindi pa bakunado. RNT/SA