KAKUTSABA NI KERWIN ESPINOSA KASTIGUHIN

KAKUTSABA NI KERWIN ESPINOSA KASTIGUHIN

February 14, 2022 @ 9:10 PM 5 months ago


HINDI  lang dapat ang Drug lord na si Kerwin Espinosa ang tanggalan ng mga pabor sa ilalim ng witness protection program na iginawad sa kanya ng Department of Justice mula pa noong 2016 bunsod sa sandamakmak na mga kasong may kinalaman sa droga.

Marapat din na silipin ng DOJ at NBI ang mga sanggang dikit ni Kerwin na nagbibigay sa kanya ng proteksyon kaugnay sa reklamong smuggling, extortion at planong pagtakas ng sikat at bigtime na tulak ng droga sa bansa.

Bago pa man nabulgar ang mga katarantaduhan at kabulastugang ginagawa ni Espinosa, malakas na ang bulong-bulungan sa NBI detention facility na hindi lang kontrabando umano ang ipinupuslit sa loob kundi sumingaw na patuloy daw ang transaksyon nito sa droga.

Lumalabas na kinopya umano ng animal ang modus ng high profile inmates na karamihan ay Chinese Drug lords sa New Bilibid Prison na kahit nakakulong ay patuloy ang bentahan ng droga sa pamamagitan ng transaksyon sa mobile phones.

Maniniwala ba kayong hindi alam ng mga gwardya sa loob ng kulungan ng NBI ang sindikato ng kumag samantalang kayang amuyin nito ang anomang maliit na baho sa kasulok-sulukan ng bansa dahil sa angking kagalingan ng mga ahente nitong mag-imbestiga?

Subalit sigurado ang sambayanan na walang kinalaman dito ang matitinong kasapi ng ahensya kundi ang ilang tiwaling gwardya at padrino nilang nakikinabang sa hatag ni Espinosa upang maisakatuparan ang iligal na transaksyunes nito sa loob.

Tangna, ilang milyong piso kaya ang ginagastos ng gobyerno mula sa buwis ng taumbayan para sa witness protection program na ‘yan ng pamilya ng kumag na itong milyones na kabataan na ang sinira dahil sa droga na ‘yan?

Kaya nga kailangan busisiin talaga ni DOJ Secretary Menardo Guevarra at NBI Director Eric Distor ang mga kasanggang ganid sa kwartang mga padrino ng Drug lord na ito upang mailabas sa kontrobersya ang respetadong ahensya at matitinong kasapi nito.

Alangan naman na walang kakutsaba si Espinosa sa loob samantalang higit pa sa gwardya sibil ang bantay nito subalit muntik pa itong makapuga sa itinuturing na bantay saradong kulungan ng ahensya.