Pinanood natin nang buo ang laban ni Senador Manny ‘Pacman’ Pacquiao kay Argentinian champ Lucas Mathysse.
Totoong nagbalik ang liksi at lakas ni Pacman at sa ginawa nitong pakikipagsagupa kay Matthysse, lumabas ang kasabihang “kalabaw lang ang tumatanda.”
Hindi si Pacquiao.
DINAAN SA PAUPO AT PAHIGA
May kakaibang naganap sa laro at walang iba kundi ang dalawang beses na pag-upong paluhod ni Lucas makaraang matamaan siya ni Pacman sa ulo.
Nahihilo?
Mahirap nga namang mahilo ka na, eh, titinding at lalaban ka pa.
Anak ng tokwa, sa totoo lang, nakamamatay ang suntok ng isang boksingero.
Lalo na ang suntok ng isang katulad ni Pacquiao.
Pupwede ngang kasuhan ng murder o homicide ang isang boxer na gumamit ng kanyang kamao sa walang kaalam-alam sa pisikal na labanan.
Kaya nga, ang katapat ng kamao ng boxer para masabing patas ang laban ay maaaring itak, dos-por-dos o baril.
SINA DIGONG, MAHATHIR
Dalawang Pangulo ng bansa, ang sarili nating si Mayor Rodrigo ‘Digong’ Duterte at Mahathir Mohamad ang nanood sa laban.
Siyempre pa, maraming Pinoy ang nanood din at nagpiyesta dahil nanalo si Pacman.
Pero bukod sa panonood sa boksing ni Senador Pacquiao, naririyan din ang pag-uusap ng dalawang pinuno para sa kapakanan ng dalawang bansa.
Ano-ano kaya ang mga maiuuwi ng mahal kong Pinas na tagumpay mula sa nasabing pag-uusap.
Pareho ang dalawang Pangulo na labis na pinagkakatiwalaan ng mamamayan para pamunuan ang kani-kanilang bayan.
Hindi humuhupa ang pagtangkilik ng mamamayan kay Pang. Digong samantalang pinabalik si Mahathir ng kanyang mga kababayan sa pwesto kahit ito’y may edad na.
Sa kanilang matagumpay na pamumuno na nagugustuhan ng mga mamamayan, umaasa ang mga mamamayan na lalong iigting ang kapatiran ng dalawang bansa at pagtutulungan na rin.
Ito’y sa gitna ng problema natin sa Sabah na sinasabing atin ngunit inangkin ng Malaysia.
Sana, nga makapag-uuwi si Pangulong Digong ng maraming magagandang balita mula sa Malaysia.
MGA ISKALAWAG PAGPUPULBUSIN
Sunod ang mga kaso ng mga iskalawag na pulis na binibira ng mga kapwa nila pulis.
Pero hindi natututo ang mga iskalawag.
Patuloy nilang ginagawa ang luma nilang pamumuhay.
‘Yun bang === pangongotong at pangingidnap para magkapera.
Ang masama pa, sumasakay sila sa mismong giyera sa droga ni Pang. Digong.
8 MUNTI POLICE
Anak ng tipaklong, ang halos buong Muntinlupa Police Station Drug Enforcement Unit ang sangkot sa pagkidnap for ransom at pagnanakaw sa isang mag-asawa.
Sina Senior Police Office 1 Psylo Joe Jimenez Malabuyo, PO3 Romeo Par Portento, PO2 Farvy Dela Cruz Opalla, at PO1 Jon-Jon Averion Cacao ay nakakulong na dahil sa nabanggit na mga krimen.
Nagtatago ngayon ang kanilang hepe na si Sr. Inspector Mark Kevin Pesigan, kasama ang iba pang suspek na sina SPO1 Edgardo Zervoulakos Diaz, PO3 Charlie Miranda Chua, and PO3 Roderick Salvador Villanueva.
Sa pagsasabing may operasyon sila laban sa droga, kinidnap nina Pesigan si Glaiza Iglesias Marquez 7- taon nitong anak kay Abner Bumatay.
Isinabay ang raid sa droga kuno ng mga pulis ang pagnanakaw ng mga salapi, alahas, LED television, cellphones, and a laptop ng mag-live in partner.
Hiningan si Bumatay ng P400,000 na bumaba sa P40,000 sa katatawad ni Abner sabay suplong sa pulisya na gumawa ng entrapment.
Ang nakatatakot at nakahihiya, mismo sa compound ng Muntinlupa police narekober ang mga kidnap victim at nasamsam kina Malabuyo ang ilan sa ninakaw nila sa mga biktima.
3 MANILA POLICE
Halos parehong kaso ang naganap naman sa Manila Police kamakailan din.
Tatlong tauhan mismo ni MPD Director Rolando ang kanyang in-entrap sa pangongotong makaraang akusahan sa pagdodroga ang mga nahuli nilang nagsusugal-lupa sa lugar na sakop ng kanilang MPD-Station 5 sa UN Avenue.
Ang masakit, nagkunwaring mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency sina Police Officers 1 Radam Manglicmot, Edmar Cayanan at Jeff Pee Calaguas.
Unang humingi sila Manglicmot ng P300,000 pero natawaran sila hanggang P50,000.
Nararapat lang na magalit si National Capital Region Police Office Director Guillermo Eleazar sa inasal ng mga pulis na ito.
Higit pa, tama lang akasyong nitong mabilis na pagsibak sa mga iskalawag na pulis upang hindi sila pamarisan at maging tinik sa buhay ng mga mamamayan.
-ULTIMATUM NI ANTIPORDA