KALAGAYAN NG ATING INANG KALIKASAN (PART 2)

KALAGAYAN NG ATING INANG KALIKASAN (PART 2)

April 27, 2022 @ 3:42 PM 2 months ago


HAGUPIT ni Super Typhoon Yolanda noong ika -8 ng Nobyembre 2013 ay hindi malilimutan sa matagal na panahon ng mga Filipino.

 

Sa araw na ito, ang Super Typhoon Yolanda (International name – Haiyan), ay humagupit sa mga lalawigang nasa kapuluan ng Samar at Leyte. Ito ang sinasabing “strongest storm recorded at landfall”.

 

Pinayuko rin ng malakas na bagyong ito ang mga lalawigan sa Central Visayas, Zamboanga peninsula, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol, at CARAGA.

 

Matapos ipalasap ang lubhang malakas na hangin, pagbuhos ng ulan, at storm surge na kasing taas ng mga gusali, nag-iwan ito ng 6,300 na patay, may 28,689 ang nasugatan, at may 1,061 parin ang nawawala hanggang sa kasalukuyan. Umabot sa US$ 2.05 billion o Php 89.59 bilyong piso ang pinsala nito sa inprastraktura at agrikultura.

 

Sa matinding pinsala at epekto ni Super Typhoon Yolanda, isinailalim ni Pangulong Aquino ang buong bansa sa “State of National Calamity” sa bisa ng Presidential Proclamation No. 682.

 

Pagbisita ni Pope Francis sa Tacloban City:

 

Hindi napigilan ng bagyong Amang si Pope Francis sa kanyang pagbisita sa Tacloban City noong Enero 17, 2015. Ani Luis Cardinal Tagle, Archdiocese of Manila, hindi inalintana ng Santo Papa ang panganib ng kanyang magiging pagbiyahe dahil ang pagdamay sa mga naulila at nabiktima ng Super Typhoon Yolanda ang siyang sentro ng pagdalaw niya sa Pilipinas.

 

Sa gitna ng masungit na panahon, idinaos ang isang madamdaming Misa na dinaluhan ng daang libo katao. Bagamat inamin ng Santo Papa na wala siyang konkretong salitang masasabi sa kanila, nauunawaan niya ang damdamin at pinagdaanan ng mga nakaligtas.

 

Binigyang-diin niya na “The Lord from the cross is there for you …. That is why we have a Lord who cries with us and walks with us in the most difficult moments of life.”

 

Kasunod ng polusyon sa hangin at tubig, at walang limitasyong paggamit sa mga likas-yaman, ang mga may buhay na nilalang gaya ng mga hayop at sangkatauhan ang siyang dumaranas ng matinding epekto nito.