Kalahati ng 11M plate backlog ng LTO target tapusin sa 6 buwan

Kalahati ng 11M plate backlog ng LTO target tapusin sa 6 buwan

August 2, 2022 @ 11:24 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Target ng Land Transportation Office (LTO) na tapusin ang kalahati ng 11 milyong plate backlogs nito sa loob ng anim na buwan, ayon kay Assistant Secretary Teofilo Guadiz III nitong Martes.

Sa panayam, sinabi ni Guadiz na kabilang sa 11 milyong backlog ang mga plaka na dapat sana’y natapos na mula 2016.

“Ang timeline ko rito mga six months baka matugunan na ang kalahati nitong mga plakang hindi pa nade-deliver sa mga bumibili ng sasakyan,” aniya.

Kaugnay nito, inihayag ni Guadiz na dodoblehin ng ahensya ang manpower nito sa plate-making plants sa ikakasang 24-hour operation at maga-outsource ng iba pang manufacturer.

Nauna nang sinabi ng LTO na kailangan nito ng P6.8 bilyon para matapos ang backlog sa license plate production.

Kinokonsidera rin ng LTO ang pagkakasa ng online transaction sa vehicle registration at renewal ng driver’s license upang maibsan ang pisikal na interaksyon, base kay Guadiz. 

“Siguro pag na-simplify natin ang proseso, iksian natin, kontian yung requirements, at i-allow na natin ang online transactions sa renewal po ng driver’s license at sa renewal ng rehistro ng sasakyan ay malaki ang mababawas sa mga tao na pumupunta sa LTO,” aniya.

Target din umano ng LTO ang mas mababang fees para sa serbisyo nito. RNT/SA