Kalat na ‘vote ratio’ pinabulaanan na mismo ng UP stat experts

Kalat na ‘vote ratio’ pinabulaanan na mismo ng UP stat experts

May 12, 2022 @ 7:00 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Walang nakitang iregularidad ang mga statistics experts mula sa University of the Philippines (UP) hinggil sa “consistent voting pattern” sa partial at unofficial results ng 2022 presidential race.

Sinabi ng UP School of Statistics, ang sinasabing “68:32” vote ratio na pumapabor kay presidential aspirant at dating senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay hindi maaaring gamitin bilang sapat na ebidensiya ng electoral fraud.

“Kung walang malinaw na konteksto, ang ganitong pattern sa porsyento ng boto ay hindi maaaring gamiting ebidensya ng pandaraya,” ang pahayag nito sa isang Facebook post.

Pumutok ang alegasyon ng election cheating matapos na lumabas at makita ang quick count ng partial at unofficial tally of votes kung saan milya-milyang naungusan ni Marcos ang kanyang closest rival na si Vice President Maria Leonor “Leni” Robredo.

May nagsasabi na di umano’y nagkaroon ng “68:32 magic,” na tumutukoy sa “consistent pattern” ng 68% ng boto para kay Marcos habang nananatili naman sa 32% ang boto para kay Robredo.

Sinabi ng UP School of Statistics na ang steady pattern sa unofficial outcome ng presidential race ay hindi nagpapahiwatig ng dayaan sa botohan.

“Hindi masasabi ng ’68:32 ratio’ trend kung mayroong pandaraya sa eleksyon. Ang mga trend sa transmission ng boto tulad ng sa ’68:32 ratio’ ay hindi ebidensya ng pandaraya sa eleksyon ,” anito.

Mali rin aniya na kaagad na ipagpalagay na nagkaroon ng manipulasyon sa mga boto dahil lamang napanatili ni Marcos ang malaking kalamangan kay Robredo sa presidential derby.

“Ang hindi paggalaw ng ’68:32 ratio’ base sa cumulative totals ay hindi maituturing na irregularity. Mali ang mga kumakalat na analysis base sa cumulative o pinagsama-samang bilang ng boto sa bawat update,” ayon sa mga statistics expert.

Sa ulat, “As of 7:17 p.m.” araw ng Miyerkules, nakakuha si Marcos ng 31,091,373 boto base sa resulta ng partial at unofficial tally na ipinalabas ng poll watchdog Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV).

Sumunod kay Marcos si Robredo, na mayroong 14,815,251 boto.

Samantala, sinabi ni PPCRV national chairperson Myla Villanueva na walang iregularidad sa partial at unofficial count of votes.

Para naman sa Commission on Elections, mahirap patunayan na nagkaroon nga ng dayaan sa presidential race gaya ng ipinagsisigawan ng mga supporter ni Robredo. Kris Jose