KALAYAAN AT KAMATAYAN

KALAYAAN AT KAMATAYAN

November 28, 2022 @ 11:36 AM 2 months ago


MALIBAN nga sa mga nadiskubreng mga iligal na bagay sa loob ng  New Bilibid Prison noong huling Oplan Galugad, napag-alaman din na marami na palang nangamatay na mga inmates.  At ang makapanindig-balahibo rito ay kahit patay na, nakakulong pa rin ang kanilang mga labi sa isang punerarya.

Sa 176 na labi, nailibing na ang unang 60 bangkay sa NBP Cemetery sa Muntinlupa City. Ang iba naman ay hinihintay pa ang kanilang mga pamilya para maiuwi sa probinsya.

Ayon na rin sa mga records ng NBP, ang dahilan ng mga kamatayan ng mga preso ay dahil sa sakit, nagpakamatay o di kaya ay pinatay.

Hirap sigurong tanggapin ng mga kaanak ng mga namatay, na hanggang sumakabilang-buhay ay walang katiyakan kung ano nga ang dahilan ng kamatayan.

Samantala, mahigit 200 persons deprived of liberty   naman  ang pinalaya ng  Bureau of Corrections o BuCor. Nabigyan ng parole ang 106 PDLs, 104 ang nakapagsilbi na ng maximum sentence at 12 ang na-acquit.

Pinangako ni Justice Secretary  Jesus Crispin “Boying” Remulla na magkakaroon ng reporma sa BuCor at sa mga kulungan, at tiniyak niya na mababawasan na ang  inmates dahil masusundan  pa ang mga mapalalaya.

Maganda ang planong decongestion na ito ng kalihim   sa mga correctional facility natin, at sana nga ay maabot ang target na mas maluwag na bilibid bago mag-2028. Para tuluyan na itong malinis sa anomang katiwalian at kapabayaan.

Kung hindi pa dahil sa pagkakapaslang  sa broadcaster na si Percy Lapid, hindi mabubunyag ang mga katiwalian at kabulukan sa NBP at BuCor.  Bagama’t meron ngang mga kaso ang mga nakakulong, sila ay mga tao pa rin na kailangan kilalanin at bigyan ng dignidad.   Kasi nga ay layunin sana ay magsisi at mag-bagong buhay sila.   At makabalik nang maayos sa lipunan.

Sa huli, mapait na kamatayan man o matamis na paglisan sa kulungan, doon lang nila matitikman ang kalayaan.