KALAYAAN SA PAGHAHAYAG, PAGBABALITA MAY HANGGANAN

KALAYAAN SA PAGHAHAYAG, PAGBABALITA MAY HANGGANAN

July 14, 2022 @ 8:32 PM 1 month ago


PLIS lang, huwag manira sa puri ng iba sa pamamagitan ng internet.

Sapagkat maaari kang makasuhan ng tinatawag na cyber libel na nilalaman ng batas na Anti-Cyber Crime Law.

Bukod kasi sa makukulong ka sa loob ng mula sa anim na buwan hanggang anim na taon, 8 buwan at 20 araw kung mapatutunayan kang nagkasala rito, may karapatan pa ang nasiraan ng puri na magdemanda sa loob ng 15 taon.

‘Yun bang === makaraang lumabas sa Facebook, Instagram, Twitter at iba pa ang iyong paninirang-puri, halimbawa sa Enero 1, 2020, pwede ka pa ring idemanda hanggang Enero 1, 2035.

Base ito sa desisyon ng Court of Appeals laban kay Maria Ressa na umano’y nanirang-puri sa isang Wilfredo Keng.

Kinatigan ng CA ang desisyon ng Manila Regional Trial Court na nagkasala si Ressa, kasama si Reynaldo Santos Jr., sa paninirang-puri sa internet nang idawit si Keng sa kasong droga na mariin naman nitong pinabulaanan.

Naunang sinabi ng Manila RTC na hanggang 12 taon ang panahon ng pagdedemanda at sinusugan ito ng Department of Justice, subalit iba ang pananaw ng Court of Appeals, second division.

Ayon sa iba, masyadong mahaba ang panahon para sa paghahain ng demanda, kahit pa ang 12 taon at lalo ang 15 taon.

Ang gusto nga nila, dapat ipantay na lang ang haba ng panahon ng pagdedemanda sa 6 taon, 8 buwan at 20 taon.

At mas maigi kung ipantay na lamang sa tadhana sa ordinaryong kasong libelo ng Revised Penal Code na 1 taon.

Dito, makalipas ng 1 taon, wala nang karapatan ang siniraan ng puri na magdemanda.

Kaya naman, maaaring aabot ang kaso sa Supreme Court at dito na malalaman kung ano talaga ang dapat na masunod na haba ng panahon sa paghahain ng demanda, maging sa parusa.

MAY HANGGANAN ANG LAHAT

May mga nagsasabing buo ang kanilang karapatan na maglabas ng anomang akusasyon o pagbibintang sa internet, kahit pa mapanira sa iba.

Ito’y sa ngalan ng karapatang maghayag o freedom of expression o magbalita ng kahit ano, kahit mapanira, ukol sa ibang tao o legal person gaya ng mga kompanya.

Subalit dapat alalahanin na may hangganan ang karapatang ito, lalo na kung nababatay sa kasinungalingan na may intensyong manira.

Bagama’t hindi dapat maging balat sibuyas ang sinoman, lalo na ang mga binibirang opisyal o empleyado ng pamahalaan o kilalang tao sa lipunan, naririyan pa rin ang mga batas sa libelo, ang Revised Penal Code at Anti-Cyber Crime Law, na nagsasabing maituturing na krimen ang paninirang-puri.

At dahil krimen, may kaakibat na parusang pagkakakulong, multa, danyos perwisyo, pagkawala ng ilang karapatan sa halalan at pagkakaroon ng pwesto sa gobyerno.

MAGTANDA ANG LAHAT

Wala talagang maibubungang mabuti ang paninirang-puri o pagmamarites sa kasiraan ng iba kaya hindi ito dapat gawin.

At magsilbi sanang leksyon sa lahat ang desisyon ng CA, lalo na kung pagtitibayin ito sa mga susunod na araw ng Supreme Court.

Gusto nating ma-decriminalize o wala nang parusang pagkakulong sa libelo subalit habang umiiral ang mga batas sa libelo, dapat tayong tumalima rito.