Kalbaryo sa tubig sa CAMANAVA tuloy ‘gang Mahal na Araw

Kalbaryo sa tubig sa CAMANAVA tuloy ‘gang Mahal na Araw

April 1, 2022 @ 1:45 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Tuloy ang kalbaryo sa tubig sa Caloocan-Malabon-Navotas-Valenzuela (CAMANAVA) area kasunod ng anunsyo ng Maynilad na tuloy ang off-peak daily water interruptions hangang Abril 15.

Wala pa ring tutulong tubig sa mga gripo sa nasabing lungsod mula 10 am hanggang 4 am dahil umano sa pagtaas ng pangangailangan sa tubig dulot ng mainit na panahon, bukod pa sa mabilis na pagkaubos ng tubig sa mga reservoir.

Ang mga nasabi umanong interruptions ay makatutulong para makapagpuno ang Maynilad ng mga reservoir tuwing gabi bilang paghahanda sa mataas na demand kapag peak hours. tuwing umaga.

Abril 1 dapat ang huling araw ng water interruption sa CAMANAVA bago ang inilabas na anunsyo ng Maynilad.

Magugunitang unang nasampolan ang lungsod ng Valenzuela ng water interruption, kung saan abot sa 23 barangay ang nawalan ng tubig mula Miyerkules ng 10 pm, Marso 9, hanggang 6 am ng Huwebes, Marso 10.

Kasunod nito ay nagputol na din ng supply ng tubig sa mga katabing lungsod ng Caloocan, Malabon at Navotas kapag off-peak hours.

Patuloy ang pagpapayo ng Maynilad na magtipid ng tubig, at mag-ipon mga oras na mayroong supply. Merly Iral