KALIDAD NG TUBIG SA MANILA BAY  BUMUTI SA 4 TAONG REHABILITASYON

KALIDAD NG TUBIG SA MANILA BAY  BUMUTI SA 4 TAONG REHABILITASYON

January 10, 2023 @ 12:43 AM 3 weeks ago


Nagbubunga na ang kasalukuyang pagsisikap ng gobyerno na isaayos ang Manila Bay matapos na patuloy na maging maayos ang kalidad ng tubig sa Manila Bay region.

 Iniugnay ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang tagumpay na ito sa tuluy-tuloy at maayos na implementasyon ng Operational Plan for the Manila Bay Coastal Strategy (OPMBCS) at ang geo-engineering initiatives ng inter-agency Manila Bay Task Force (MBTF) na pinamumunuan ng DENR.

Matapos ang halos apat na taong rehabilitasyon, ang tinaguriang “Battle for Manila Bay” ay nagresulta sa mas mabuting water quality sa Manila Bay region na nakita sa unti-unting pagbaba ng fecal coliform level simula noong January 2019.

Sa Region III, bumaba ang coliform level sa 1,243 MPN/100mL mula 5,099 MPN/100mL. Bumaba rin ito sa river mouths o outfalls sa Region IV-A mula 94,000 MPN/100mL patungo sa 47,000 MPN/100mL.

Sa pagsisikap ng Region III, nakapagbigay ng alternative livelihoods sa inilipat na indibidwal sa pagtayo ng floating restaurants at pagkakaroon ng ecotourism area.

Sa ilalim naman ng habitat and resources management, iniulat ng MBCO na may 13,535 mangroves at 24,730 bamboo propagules ang naitanim sa buong bay region noong third quarter ng 2022.

Maliban dito, may 1,694 metric tons ng isda ang nakuha ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, habang ang DENR-NCR ay nakapagtala ng 9,248 birds na may 197 iba’t-ibang species.

Sa kanilang dako, iniulat ng Task Force Water Hyacinth na ang DENR offices sa NCR at Regions III at IV-A; Pasig River Coordinating and Management Office; Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at iba pang member agencies sa kanilang mga lugar na sinasakupan ay nakakolekta at nakpagtapon ng 22,453.02 cubic meters ng water hyacinths.

Karagdagang clean-up activities ang isinagawa sa river system choke points upang maiwasan ang pagdami ng water hyacinths dulot ng Habagat season.

Bilang suporta sa Manila Bay Rehabilitation Program, ang MMDA, Department of Public Works and Highways (DPWH), sa ilalim ng pamamahala ng Mandamus Agencies at MBTF, ay nagsasagawa din ng geo-engineering interventions at infrastructure.

Hanggang noong October 2022, dalawa sa pitong proyekto sa Manila Baywalk ang natapos na: ang solar-powered comfort rooms sa Padre Faura at Abad Streets; at ang security, operation at maintenance ng state-of-the-art sewage treatment plant (STP). Ang ibang proyekto ay nasa 83 to 96 percent completion.

Natapos naman ang dredging sa Libertad Channel, na tinaguriang ‘hotspot in water pollution,’ habang ang solar-powered STP na may kapasidad na 10 million liters per day ay naitayo na at naghihintay na lang ng commissioning.

Ayon kay MBCO Executive Director Jacob F. Meimban, inaasahan na mapapababa pa ng STP interventions ang polusyon sa malalaking daluyan ng tubig.

Ayon dito, ang mga ahensya na kabilang sa Manila Bay rehab ay gagamit ng sustainable management interventions sa Baywalk area sa darating na taon, magsasagawa ng community-based approach sa solid waste management sa pamamagitan ng waste-to-energy at upscaling, at magsusulong ng nature-based approach sa pagbuo ng mangrove agenda.

“At the moment, we are also working on the institutionalization of the MBCO to ensure continuity in the implementation of the projects and activities under the Manila Bay Rehabilitation Program” saad ni Meimban. ###