Kaligtasan ng media sa Halalan 2022 siniguro ni Año

Kaligtasan ng media sa Halalan 2022 siniguro ni Año

January 23, 2022 @ 12:10 PM 8 months ago


MANILA, Philippines – Upang maprotektahan ang  media practitioners, nagbabala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga pulitiko at sa kanilang mga tagasuporta na sila ay kakasuhan kapag masangkot sa anomang karahasan laban sa media.

Ito ay bilang bahagi ng hakbang ng pamahalaan na protektahan ang mga manggagawa sa media, mga mamamahayag, at iba pang media practitioner para sa isang ligtas at mapayapang halalan sa Mayo.

Sinabi ni DILG Secretary Eduardo  Año na ang kagawaran, kasama ang Philippine National Police (PNP) at Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ay magtutulungan upang lumikha ng ligtas na space para sa mga media practitioner sa darating na halalan kasunod ng opisyal na paglulunsad ng Media Security Vanguards.

“Sa darating na halalan, sama-sama nating siguruhin ang kaligtasan ng ating mga media practitioners para maligtas at maprotektahan sila sa mga maling gawain ng mga pulitiko. Ating bantayan nang husto ang kanilang proteksyon mula sa anumang panganib na maaaring humadlang sa kanilang paggawa ng kanilang trabaho nang mahusay, mabisa, at tapat,” ani Año.

Samantala, sinabi ng DILG Secretary na nasa 1,899 miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang itinalaga bilang PNP Focal Persons for Media Security sa darating na National and Local Elections (NLE) ngayong Mayo.

Sa 1,899 police personnel na itinalaga bilang focal persons, 133 ay Public Information Officers (PIOs) na nakatalaga sa 17 police regional offices, 81 police provincial offices, at 20 city police stations. Samantala, 1,766 na chief of police sa buong bansa ang magsisilbing operating arm sa pagpapatupad ng guidelines para sa media security vanguards sa lokal na antas.

Ang 1,899 PNP Focal Person na ito ay makikipagtulungan sa mga Espesyal na Ahente ng PTFOMS sa pagprotekta, pagsisiyasat, at pagtugon sa mga alalahanin sa seguridad na ibinangon ng mga manggagawa sa media.

Gayundin noong nakaraang linggo, itinalaga ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen Dionardo Carlos ang mga PNP PIO bilang “Media Security Vanguards” at hinirang si P/Gen Roderick Alba bilang Chief Focal Person on Media Security. Ang pagtatalaga ng Media Security Vanguards ay ginawa sa kahilingan ni PTFoMS Executive Director Usec. Joel Sy Ecgo sa DILG na magtalaga ng mga focal person ng PNP sa buong bansa alinsunod sa Administrative Order No. 1 ni Pangulong Duterte.  Santi Celario