Kaligtasan ng mga mangingisdang Pinoy sa West Philippine Sea tiyakin – Eleazar

Kaligtasan ng mga mangingisdang Pinoy sa West Philippine Sea tiyakin – Eleazar

May 1, 2022 @ 8:57 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Dapat na tiyaking hindi maha-harras ng mga banyagang barko ang mga mangingisdang Pilipino na pumapalaot sa West Philippine Sea, ayon kay senatorial candidate Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar.

Ayon kay Eleazar, ang kaligtasan ng mga mangingisda ay mas mainam na maihahandog ng pamahalaan sa 22 crew at mga may-ari ng GEM-VER, kumpara sa P6-milyong nakatakda nilang tanggapin mula sa operator ng Chinese vessel na bumundol sa kanila sa Recto Bank ng West Philippine Sea noong 2019.

“Hindi maikakaila na malaking tulong ang P6 milyon sa mga mangingisda natin na nanganib ang buhay at nawalan ng trabaho dahil sa pagkawasak ng bangka nila matapos banggain ng China,” aniya.

“Pero sa palagay ko, ang mas magandang matanggap nila mula naman sa gobyerno natin ay ang peace of mind na hindi na mauulit ang ganitong pangyayari at sila ay malaya nang makapangingisda sa karagatang sakop ng Pilipinas,” sabi pa ni Eleazar.

Napag-alaman sa Department of Justice na makukuha na ng mga crew at may-ari ng Gem-Ver ang bayad halos tatlong taon matapos ang insidente.

Saklaw umano ng bayad ang pagsasaayos sa bangka, kawalan ng kita, anim na buwang pasahod, at moral damages.

“Bagamat malaking pera ito, wala pa ring katumbas na halaga ang buhay ng tao. Kailangan proteksyunan natin ang ating mga mangingisda at siguruhin na sila ay malayang nakakapaghanapbuhay,” ani Eleazar.

Hinikayat din ng Partido Reporma candidate ang pamahalaan na patuloy i-monitor ang anumang construction ng China sa West Philippine Sea.

“Ang teritoryong nasa loob ng ating exclusive economic zone ay dapat nating protektahan. Huwag natin hayaang ito ay mawala sa atin dahil simbolo nito ang ating pagbubuklod-buklod para labanan ang maling gawain ng mga banyaga,” ani Eleazar. Jan Sinocruz