KALIKASAN AT INSPIRASYON

KALIKASAN AT INSPIRASYON

June 6, 2022 @ 10:35 PM 3 weeks ago


GINUNITA kahapon ang World Environment Day o WED.   

Tuwing June 5 ang selebrasyon nito, bilang pagkilala sa mahalagang obligasyon ng mga tao na pangalagaan at maging responsable sa tamang paggamit ng kalikasan at likas-yaman.   

Ang naging tema ngayong 2022 ay Only One Earth o “Nag-iisang Mundo”.   

Napakalaking hamon sa panahon natin ngayon na maglabas ng mga polisiya ang  gobyerno natin, para sa tunay na pagbabago tungo sa mas malinis na kapaligiran para sa lahat.

Walang duda, isa lang ang planetang Earth na tahanan nating mga tao, at kapag nasira ito, wala ng pupuntahan ang sangkatauhan.

Sa bagong gobyerno na uupo sa June 30, palagay ko ay ito ang isa sa pinaka-importanteng tema na babalikatin nila.

Nito kasing nakaraang kampanya, halos walang nailatag na agenda o program na pang-kalikasan ang nai-proklamang bagong mamumuno ng ating bansa.

Napansin ko lang, med-yo masaya yata ang mga maka-kalikasang grupo ngayong weekend ng WED 2022.

Halos sunod-sunod ang mga magagandang balita na nakita ko, patungkol sa mga environmental na isyu sa iba’t ibang probinsya.

Naisulat ko na kamakailan ang pagpapatigil    ng reclamation project sa Coron, Palawan.

Salamat naman.

Noong nakaraang linggo naman, lumabas ang desisyon ng korte sa Marinduque, kung saan pinagbabayad ng danyos ang Marcopper Mining Company, sa pinsala at sakit na idinulot ng mine spill ng minahan noong 1996.

Nitong Byernes, June 3, 2022, dalawang panalo ang nakuha ng mga environmentalist.   

Nakansela ang Envronmental Compliance Certificate (ECC) ng Ozamis Coal Power Plant na pinangangambahang mag-dudulot ng tiyak na polusyon.   

Ilang oras lang ang nakalipas, nagpa-presscon naman si Gov. Tamayo ng South Cotabato, kung saan pinatawan niya ng veto ang bagong ordinansa na nagtatanggal na ng ban sa open-pit mining sa lalawigan.   

Sana nga ay magbunga ng magagandang kaganapan ang mga makakalikasan sa mga desisyong ito.   

Kailangan ni Inang Kalikasan ang mga ganitong panalo.   

Para makikinabang ang mas maraming Pilipino

Siyanga pala, Pentecost Sunday din kahapon.

Ang pagbaba ng Espiritu Santo sa mga apostoles para sa kalinawan ng isip, tibay ng pananampalataya at inspirasyon para ipahayag ang katotohanan at kaba-nalan.   

Nawa’y maging mas inspirado ang mas maraming tao at mga lider natin na pangalagaan ang kalikasan at kinabukasan ng mga susunod na henerasyon.