KALINISAN, SIMBOLO NG TUNAY AT TAPAT NA SERBISYO

KALINISAN, SIMBOLO NG TUNAY AT TAPAT NA SERBISYO

July 20, 2022 @ 6:52 PM 3 weeks ago


NAPAPANAHON ang inilabas na kautusan ni Mayor Honey Lacuna-Pangan na nag-aatas sa  barangay chairmen, mga kagawad at lahat ng kanilang opisyal at kawani na maging malinis at maayos sa kanilang tanggapan at kapaligiran.

Hindi kasi maikakaila na may mga barangay hall sa Lungsod ng Maynila ang nanggigitata at kung ano-ano ang mga nakalagay na gamit sa loob o nakadikit na poster na hindi naman kapakipakinabang sa kanilang nasasakupan.

Bagama’t kakaunti lamang ang mga kabesa na hindi yata marunong maglinis ng kanilang barangay hall, nakakadismaya pa rin ang mga ito dahil sabi nga ni Mayora Honey, ang kalinisan ng kanilang tanggapan ay sumasalamin sa kanilang wastong pagkakaloob ng serbisyo sa kanilang nasasakupan.

May ilan kasing opisyal ng barangay na nagsasagawa ng pagpipinta at paglilinis ng kanilang barangay hall, hindi para mapanatili ang kalinisan sa kanilang tanggapan, kundi upang pangatuwiranan ang panghihingi nila ng tulong pinansiyal sa ilang pulitiko sa kanilang lugar at maging sa mga mayayamang negosyante na kumukuha sa kanila ng barangay permit sa pagtatayo ng negosyo.

Ibig sabihin, hindi talaga sinsero na gawing malinis ang kapaligiran at tanggapan kundi para lamang kumita ng salapi na siyang ayaw na ayaw at hindi pinahihintulutan ng alkalde.

May ilang kabesa naman ng barangay na bukod sa hindi na nga napapanatiling malinis ang kanilang barangay hall, hindi rin nakikiisa sa hangarin ng lokal na pamahalaan na huwag ipagamit bilang vending area ang bangketa at kalsada sa sidewalk vendors.

May ilan pa nga na pinapayagan ng kabesa na gawing bodega o imbakan ng mga paninda ng sidewalk vendors ang barangay hall kapalit siyempre ng ibabayad nilang halaga na hindi naman napupunta sa kanilang programa at proyekto kundi sa kanilang sariling bulsa.

Kung tutuusin ay marami naman talagang mga punong barangay at kanilang mga kagawad at kawani, ang napakaresponsable sa kalinisan ng kanilang barangay hall at naglalagay pa nga ng mga halaman para maging maaliwalas sa paningin ng kanilang mga pinaglilingkurang kababayan.

Naniniwala ang mayora na makikita sa malinis na tanggapan at kapaligiran ang tunay at tapat na pagseserbisyo ng mga opisyal at kawani dahil kapag hindi man lamang magawang linisin ng mga namumuno sa bawa’t tanggapan at kawani ang kanilang opisina, malinaw na hindi rin malinis ang ginagawa nilang paglilingkod sa bayan na posibleng may bahid ng katiwalian.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.