Kaliwa dam, ayaw ni Bishop

Kaliwa dam, ayaw ni Bishop

August 11, 2018 @ 12:53 PM 4 years ago


 

Quezon – Nagpahayag nang mariing pagtutol ng Prelatura ng Infanta sa planong pagpapagawa ng Kaliwa dam o dating New Centennial Water Source sa General Nakar at  Infanta, Quezon, dahil sa posibleng panganib nito sa mga residente doon.

Nilinaw naman ni Infanta Bishop Bernardito Cortez na hindi sila tutol sa pag-unlad at pagkakaroon ng sapat na suplay ng tubig sa Metro Manila, ngunit ang paglalagay aniya ng dam ay maaaring magdulot ng panganib sa kanilang mga mamamayan.

“Noong 2004 ay nakaranas kami ng parang Yolanda mahigit sa isang libo ang namatay, noon po wala pang dam. At alam naman po natin ang uri ng ulan at ng klima, kawawa naman kami,” ayon kay Bishop Cortez, sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Ipinaliwanag pa ng Obispo, na kabilang ang kanilang lugar sa fault line kaya’t hindi naakma ang pagkakaroon ng dam sa lalawigan.

“Alam po natin na ang lugar namin ay bahagi ng fault line, may darating at darating na lindol. At ito po ay daanan ng lindol at magtatayo ng dam,” aniya pa.

Batay sa ulat, tinatayang aabot sa P18.7 bilyon ang proyekto na popondohan ng Official Development Assistance (ODA) mula sa China at inaasahang matatapos sa taong 2023.

Magiging co-implementor ng proyekto ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), Maynilad Water Services Incorporated at Department of Public Works and Highways (DPWH).

Nauna na ring naglabas ng Pastoral Letter si Bishop Cortez bilang pagtutol sa pagtatayo ng dam sa Infanta at General Nakar na banta sa kaligtasan ng mga residente sa nasabing lugar. (Macs Borja)