Kaliwa Dam pinag-usapang mabuti kasama IPs – NCIP

Kaliwa Dam pinag-usapang mabuti kasama IPs – NCIP

December 16, 2022 @ 9:10 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Masusing pinag-usapan at dumaan sa maraming deliberasyon kasama ang mga lider at representatives ng Indigenous Peoples (IPs) ang patungkol sa pagpapatayo ng New Centennial Water Source – Kaliwa Dam Project (NCWS-KDP).

Ito ang sinabi ng National Commission on Indigenous Peoples sa kalatas na ipinalabas ng ahensya nitong Huwebes, Disyembre 15.

Ayon dito, mayroong inilabas na certificate of precondition noong Setyembre 19.

“The issuance thereof was made after a meticulous Commission En Banc Deliberation, which was conducted on numerous schedules. Said deliberation was attended by community-recognized and authorized IP leaders and representatives,” pahayag ng NCIP.

Dagdag pa, isinama rin sa deliberasyon ang mga IPs na tutol sa naturang proyekto at hinayaang sabihin ang kanilang mga argumento at dahilan ng pagtutol habang ang proseso ng Free and Prior Informed Consent (FPIC) ay isinagawa ng pitong taon at anim na buwan.

Sa kabila nito, sinabi naman ng Komisyon na nirerespeto nila ang opinyon ni Father Peter Montalla, isang paring sumusuporta sa mga Dumagat ngunit hindi ito maituturing na bahagi ng komunidad.

Nagpalabas rin ng kopya ng resolusyon ang NCIP na pirmado ng 70 IPs mula sa Dumagat-Remontado tribe sa Tanay, Rizal na bumabatikos kay Kakai Tolentino ng BAI Indigenous Women’s Network na hindi bahagi ng komunidad at hindi ito pinapayagang magsalita para sa grupo.

Matatandaan na sinabi ni Tolentino na siya ay mula sa tribong Dumagat at ang pahayag niya ay para sa grupo, hindi para sa kabuuan ng IPs. RNT/JGC