Kaliwa’t kanang taas-sahod ‘di sapat – Kilusang Mayo Uno

Kaliwa’t kanang taas-sahod ‘di sapat – Kilusang Mayo Uno

May 31, 2022 @ 9:05 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Sa kabila ng kamakailang pagtaas ng sahod, hindi pa rin sapat ang kinikita ng mga manggagawa dahil marami pa rin ang nangangailangan na kumuha ng karagdagang trabaho upang mabuhay, ayon sa isang labor group nitong Lunes.

Sinabi ni Kilusang Mayo Uno Secretary-General Jerome Adonis sa TeleRadyo na maraming manggagawa ang nanganganib sa kanilang kalusugan sa pamamagitan ng pagkuha ng dagdag na trabaho.

“Ngayon yung mga kababayan natin, minimum wage earner, lalong-lalo na, nao-obliga na sila na pagkatapos ng 8 oras na trabaho o higit pa sa kanilang regular na pinapasukan, naoobliga sila mag-sideline na mga delivery, nagtitinda-tinda, so, ano yung nasasakripisyo sa ganoon? Ang nasasakripisyo yung oras ng kanilang pahinga, at nasasakripisyo yung oras nila sa pamilya,” sabi ng secretary-general

Pagdating aniya ng panahon ay magkakaroon ng karagdagang karamdanan o sakit ,naabuso ang katawan sa sobrang trabaho.

Pahayag pa ng lider, ang sahod ng mangaggawa sa walong oras nilang trabaho ay dapat sapat na para sa kanyang sarili at kanyang pamilya.

Sinabi ni dating senatorial candidate Sonny Matula na kailangan ang pagtaas ng sahod upang tumaas ang purchasing power ng mga manggagawa.

Binanggit din ng pinuno ng manggagawa na dapat i-pump-prime ng gobyerno ang ekonomiya upang matulungan ang maliliit na negosyo.

“Kami sa Federation of Free Workers at sa Nagkaisa Labor Coalition, noon pa mang kampanya ay amin nang pino-propose yung P100 billion na stimulus package para matulungan yung mga maliliit na negosyo natin, yung mga micro small enterprises natin na makabangon, at ang gobyerno palagay ko ay ang pag-asa nila na makapagbibigay ng ayuda para sa kanila, yung zero interest loans o subsidy na diretso,” ani Matula.

Inaprubahan ng gobyerno noong unang bahagi ng buwan ang P33 na dagdag sahod para sa mga minimum-wage earners sa Metro Manila.

Sumunod ang mga regional wage board sa Western Visayas, Cagayan Valley, Mimaropa, Soccsksargen at Bicol sa katulad na pagtaas ng sahod.

Gayunpaman, sinabi ng mga empleyado na hindi sapat ang pagtaas ng suweldo. Jocelyn Tabangcura-Domenden