KALSADA AYUSIN BAGO KAMPANYA

KALSADA AYUSIN BAGO KAMPANYA

August 23, 2021 @ 4:17 PM 10 months ago


PANAHON na naman ng kampanya kung saan kanya-kanyang gimik ang bawat kandidatong nais masungkit ang inaasam-asam na puwesto.

Kabilang ‘dyan ang propaganda ni DPWH Secreatary Mark Villar na napapaloob sa mga proyektong ipinagawa ng ahensyang itong akala ng kalihim ay kwarta ng kanyang pamilya gayung buwis naman ng sambayanan.

Hanep talaga ang eleksyong ‘yan at pinasok na rin ni Mang Mark ang pagba-blog ng mga dambuhalang strukturang ipinatayo mula sa pondo ng taumbayan subalit dedma lang sa kanya ang bako-bakong kalsada ‘dyan sa harap ng Manila City Hall hanggang doon sa crossing patungo ng pier at Roxas Boulevard.

Imposible namang hindi nararamdaman ng kalihim ang butas-butas na kalsada tuwing pumapasok ito sa kanyang opisinang nakararating nga sa iba’t ibang sulok ng bansa sa pagbabalandra ng mga proyekto ng kagawaran upang hindi makalimutan ng mamamayan sa darating na halalan sa 2022.

O baka naman sadyang manhid at bulag na ito sa matagal nang reklamo ng mga motoristang dumaraan sa lugar na ‘yang saksakan ng sama ang kalsadang nasa kabisera pa man din ng ‘Pinas.

At hetong si Meyor Isko na ipinagyayabang ang kanyang paglilinis ng Kamaynilaan at malawakang pagbabakuna sa nasasakupan ay dedma rin sa sira-sirang daanang ‘yan na umiikot naman sana ito sa kasulok-sulukan ng kanyang balwarte.

Sabihin man na ang hinayupak na kongresistang nakasasakop ang dapat magpaabot sa DPWH ng suliraning ito upang matapalan ang animo’y sungkaan na kalsadang ‘yan ngunit nagawa nga ni Mang Isko na bisitahin ang mga presinto kahit gabi, hindi niya mapasyalan ang ahensya na nasa kanyang nguso lang ang distansya?

Susmaryusep, sana’y asikasuhin muna ng mga mokong ang mga problema sa kanilang AOR bago ang pagtutsubibo sa ibang lugar na bistadong pangangampanya naman.

o0o

Para sa komento mag-text sa 09999388537/email [email protected]