KALSADA EXCLUSIVE TERMINAL NA NG UV EXPRESS SA MAYNILA

KALSADA EXCLUSIVE TERMINAL NA NG UV EXPRESS SA MAYNILA

November 16, 2022 @ 11:14 AM 2 weeks ago


PUNONG-PUNO maghapon at sinasarhan na ng mga pampasaherong UV Express ang isang kalsada sa Intramuros, Manila.

Matatagpuan ang kalsada mismo sa likod ng National Press Club building, nasa tabi ng Pasig River at tinatawag na Riverside Drive.

Nang tanungin ng Remate ang mga tsuper ng mga UV Express kung bakit sinasarhan na ng kanilang mga sasakyan ang kalsada, sagot nila, “”Di ba ninyo nakikita ang karatula na “NO ENTRY” sa bungad?

“Bawal ang dumaan dito!” giit ng mga tsuper.

Hindi natin alam kung saan nanggaling ang katwiran at kung sino ang naglagay ng NO ENTRY rito.

Nang tanungin sila kung sino ang nagpahintulot sa kanila na gawin nilang EXCLUSIVE TERMINAL nila ang Riverside Drive, wala raw.

Eh, may permit ba sila para gawing, inuulit natin, EXCLUSIVE TERMINAL ang kalsada?
DELIKADO SA EMERGENCY

Itong paggawa ng kalsada na sarado sa UV Express ay delikado kung may kalamidad, gaya ng pagkakaroon ng sunog sa lugar.

Magkakatabi ang NPC building, Postal Bank, Post Office Central Office, Bureau of Immigration building at Banco de Oro building.

Ang Riverside Drive ay malaking daanan ng mga bumbero sa likod ng mga building na ito.

Paano makaresponde ang mga bumbero kung sarado ito?

Minsan, may pinatay mismo sa lugar nitong nakaraang taon at nangyari iyon sa pumping station na roon nagkukumpulan ang mga UV Express.

Paano makaresponde nang mabilis ang mga pulis kung sinasarhan ng mga UV Express ang nasabing kalsada? Pero malamang na may sikreto rito.

May naniningil ba sa mga UV Express ng parking fee?

Kung meron, ligal ba? At kung ligal, dapat maglatag ng patakaran ang mga nagpapa-park na huwag nilang harangan ang mga pumupunta sa NPC building at hindi sila dapat maging harang sa posibleng pagdating ng mga sitwasyong emergency gaya ng sunog at grabeng krimen.