Kalupitan ng NPA, kinondena ng 500 dating Anakpawis member

Kalupitan ng NPA, kinondena ng 500 dating Anakpawis member

February 23, 2022 @ 6:30 AM 4 months ago


CAGAYAN-Mariing kinondena ng 500 dating miyembro at tagasuporta ng Kagimungan at Anakpawis na front organization ng makaliwang grupo ang mga panlilinlang at kalupitan ng New People’s Army o NPA sa ginanap na Peace Convention sa Cagayan Provincial Capitol.

Kasabay nito, nanumpa ang halos mahigit 500 dating miyembro ng nasabing organization sa pagbabalik loob at katapatan sa gobyerno upang mawakasan ang armadong labanan ng komunista at pinagsusunog ang mga bandila ng Anakpawis, Kagimungan, at Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Ayon kay Balanni Barangay Captain Mauricio Aguinaldo, SAMBAYANAN-Cagayan Chapter Coordinator at dating rebelde, ang Cagayan Alliance for Peace and Development ang siyang nanguna sa aktibidad para isulong ang kanilang suporta sa kampanya laban sa insurhensiya sa Cagayan.

Nangako naman si alyas “Victor”, dating organizer ng Kagimungan sa Sto. Niño, Cagayan na tutulungan nila ang gobyerno sa pamamagitan ng pagbibigay ng impormasyon sa maling ginagawa ng mga makakaliwang grupo.

Karamihan sa mga ito ay nalinlang umano ito ng rebeldeng grupo mula noong 2010-2017 kung saan patuloy itong naghirap matapos ang ginagawang pananakot sa kanila tuwing tatanggi ang mga ipinag-uutos.

Samantala, nagpasalamat naman si BGen Steve Crespillo, Brigade Commander ng 501st Infantry Brigade, sa lokalidad para sa kanilang pagkakaisang kondenahin ang mga komunistang grupo na makamit ang kapayapaan at progreso sa Cagayan.

Hinimok ni MGen. Laurence E Mina, Commanding General ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang natitira pang mga miyembro ng NPA at mga taga-suporta nito na magbalik-loob na sa pamahalaan upang matamasa ang mga benepisyo sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).

Mula sa mga bayan ng   Sto. Niño, Rizal, Aparri, Baggao, Sta. Ana, Tuao, Sta. Teresita, Gonzaga, Abulug, Amulung, Lal-lo, Allacapan, Alcala, Buguey, Piat, at Pamplona ang lumahok para kundinahin ang kalupitan ng mga terorista.

Kaugnay nito, inayudahan ng Pamahalaan Panlalawigan ng Cagayan ang dating mga front organization na nagbalik loob sa gobyerno. Rey Velasco