KALUPITAN SA KABABAIHAN

KALUPITAN SA KABABAIHAN

November 4, 2022 @ 1:44 AM 4 weeks ago


HABANG binabalot tayo ng lungkot sa rami ng nasawi sa bagyong Paeng, binabalot din tayo ng lungkot sa paglabas ng mga balitang pinapatay ang ating mga batang kababaihan.

Panahon ng bagyong Paeng na pumatay ng nasa 150 katao sa iba’t ibang bahagi ng bansa nang pagpapatayin din ang tatlong kabataang kababaihan.

IRISH MAE “MAI-MAI” PAYONGA

Naunang sumabog na balita ang pagkamatay ni Irish Mae “Mai-mai” Payonga, isang senior high school student ng Ateneo de Naga, sa madamong bahagi ng lupang kinatitirikan ng provincial capitol complex sa Brgy. Cadlan, Pili, Camarines Sur.

Unang iniulat na basta lang natagpuan ang kanyang bangkay ng dalawang bata na isang lalaki at babae na nagawi sa lugar.

Ngunit sa kalaunan, inilabas ng pulisya na hindi basta na natagpuang patay si Mai-Mai kundi hubo’t hubad at tinakpan ng sako ng semento at lupa ito.

Nawala ang mga suot niyang itim na t-shirt, denim jacket, jeans at rubber shoes.

Hinuli ng pulisya ang isang lalaki na nakilalang si Reymark Belleza, 18 taong gulang.

Umamin umano si Belleza na siyang may kagagawan sa krimen kaya sinampahan na siya ng robbery at murder.

Lumabas ding pinagsamantalahan nito ang biktima kaya sinampahan din siya ng kasong rape.

Masahol pa sa hayop ang ginawa ng ulol na ito.

Anak ng tokwa, ano ba ang dapat gawin sa ganyang klaseng kriminal?

SINA ANDREA QUIROS AT ANIKA PRINCIPE

Noong una, iniulat ng pulisya na may namatay na dalawang babae sa isang bangin sa Marcos Highway sa Tuba, Benguet nitong Lunes.

May suot naman umano ang mga ito.

Makaraan ang ilang araw, napag-alaman nating sina Andrea Quiros, 19, at Anika Principe, 16, pala ang mga ito.

Anak pala ni Senior M/Sgt. Albert Quiros, ng Pozzorubio police, Pangasinan si Andrea at pamangkin naman niya si Anika.

Napag-alaman ding nakagapos at naka-tape ang bibig ng mga ito nang matagpuan ang kanilang bangkay.

Isinailalim na sa awtopsya ang bangkay ng mga ito at sa susunod na mga araw, malalaman na nating kung paano pinatay ang mga ito saka itinapon sa bangin.

Sino naman kaya ang may kagagawan sa krimeng ito?

Sana naman, gaya ng nagawa ng mga pulis sa Pili sa kaso ni Mai-Mai, mabilis ding malutas ng pulis-Tuba ang kaso nina Andrea at Anika.

BANTAYAN ANG MGA ANAK

Nagpumilit umano na umalis si Mai-Mai na pumunta at dumalo sa isang okasyong panrelihiyon.

Sina Andrea at Anika, wala pa tayong naririnig kung bakit naroroon sila sa lugar.

Pero sasabihin na lang natin na dapat magbantay nang husto ang mga magulang.

At ang mga anak, pwede ba, magpaalam kayo nang maayos sa inyong mga magulang sa inyong pag-alis-alis!

Ang totoo, labis na nakalulungkot ang ganitong sinasapit ng kabataang kababaihan at sana naman, wala na tayong mababalitaan pang pinapatay, pinapahirapan, pinagsasamantalahan at binababoy pa sa huling sandali.