Kalusugan ng ilang residente sa Mindoro, apektado ng oil spill – DOH

Kalusugan ng ilang residente sa Mindoro, apektado ng oil spill – DOH

March 6, 2023 @ 7:30 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nakakaranas na ng sintomas ang ilang residente ng Oriental Mindoro na maaring may kinalaman sa oil spill, ayon sa Department of Health (DOH).

Ipinaliwanag ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire sa ceremonial turnover ng Health Technology Assessment sa Department of Science and Technology na hindi maitatanggi ang panganib na dulot ng oil spill.

“We’ve noted these kinds of symptoms already. ‘Yung pananakit ng tiyan, pagsusuka. ‘Yung iba naman nagpapalpitate, ‘yung tumataas ‘yung kanilang heart rate tapos parang nahihirapan huminga. ‘Yung iba naman parang nahilo. ‘Yung iba sumasakit ang ulo. ‘Yung iba naguuubo at ‘yung iba namang may hika, na-aggravate,” ani Vergeire.

Isa aniya sa residente ang isinugod sa ospital dahil sa ashma ngunit napamahalaan at na-discharge naman.

Inatasan na rin ng DOH ang municipal health officers sa lugar na bantayan ang posibleng sintomas na maaaring maranasan ng mga residente at tugunan ito ng naayon.

Ang insidente ay nakaka-apekto na rin sa mga dekada nang mangroves sa lugar maging ang kabuhayan ng mga mangingisda at lubhang naapektuhan din ang suplay ng tubig lalo na sa mga nakatira sa loob ng 100 metro mula sa dalampasigan.

Idinagdag ni Vergeire na ang mga nakatira sa loob ng 100-meter zone ng mga apektadong baybayin ay kinakailangang magsuot ng industrial-grade mask laban sa mga panganib sa kalusugan, habang ang mga nakatira sa 500 metro at higit pa ay maaaring patuloy na gumamit ng surgical face mask. Jocelyn Tabangcura-Domenden