Manila, Philippines – Ngayong balik sesyon na ang House of Representatives, agad na aatupagin ng mga mambabatas ang pagtalakay sa Charter Change at 2019 budget.
Ayon kay House Committee on Constitutional Amendments Chairman at Southern Leyte Rep Roger Mercado na ngayong Linggo ay agad silang magdaraos ng pagdinig para pagaralan ang Draft Federal Constitution na binuo ng Consultative Committee.
“We will immediately begin the hearing. I think this Wednesday if the schedule permits. That is the mandate of our committee,” pahayag ni Mercado.
Una nang sinabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez na maaaring abutin ng 6 na buwan bago maaprubahan ang Draft Federal Constitution kung saan tiniyak nito na hindi nila mamadaliin ang proseso at idadaan ito sa masusing debate.
Sa oras na makalusot sa Kongreso sa draft constitution ay agresibo naman ang gagawing information drive para magkaroon ng sapat na kaalaman ang taumbayan ukol sa Charter Change bago ito isalang sa plebisito.
Samantala tiniyak ni House Committee on Appropriations Chairman Karlo Alexei Nograles na agad din nilang isasalang ang pagtalakay sa 2019 national budget.
Target ni Nograles na matapos sa katapusan ng Agosto ang committee deliberations sa P3.757 Trillion para sa 2019.
Matapos ang pagdinig sa komite ay agad nilang isasalang sa plenaryo ang budget at sa buwan ng Setyembre ay inaasahang maaaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa ang 2019 General Appropriations Act.
“The National Expenditure Program is expected to be submitted during the SONA of the President. We will begin the committee deliberations on July 31 at the committee on appropriations and we expect to finish committee deliberations at the end of August. Then we will send it straight to the plenary floor for sponsorship, debate and approval,” paliwanag ni Nograles.
Malaking bulto ng 2019 national budget ay sa edukasyon na nasa P659.3B, mas mataas ito ng P72.2B kumoara sa 2018 budget na nasa P587.1B; ikalawa ay sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na may budget na P555.7B. Gail Mendoza