Kamara, DSWD magtutulungan para sa mas maayos na ayuda

Kamara, DSWD magtutulungan para sa mas maayos na ayuda

July 28, 2022 @ 8:06 AM 2 weeks ago


Manila, Philippines -Upang masiguro ang pagtutulungan ng Malaking Kapulungan ng Kongreso at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ay isang pagpupulong ang isinagawa na dinaluhan ng Congressional Chiefs of Staff.

Ang mga opisyal ng DSWD ay pinamunuan ni Undersecretary Rowena Niña Taduran kung saan natalakay ang mga proyekto ng ahensya at mga panukalang batas na ang layunin ay maisulong ang pagbibigay proteksyon mga Pilipino.

“We are hopeful that through this meeting with the chiefs of staff, they will be able to augment our role in sharing the intention and availability of the various programs of the department to their principals dahil ito na nga po ang first and last naming briefing bago tayo mag budget season,” ayon kay Taduran.

Si Taduran na dating kongresista ay nagsabing isinulong ng DSWD ang mga ganitong pagpupulong upang magabayan ang mga mambabatas sa mga nakalatag na programa ng ahensya.

Ayon sa kongresista, patuloy na makikipag-ugnayan sa Kongreso ang DSWD “to be able to offer quality services, especially for indigents and the underprivileged.”

Binanggit ni DSWD Assistant Secretary for Operations, Policy and Plans Janet Armas na kabilang sa mga inisyatiba ng ahensya ay ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps); Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS); Sustainable Livelihood Program (SLP); Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS), at Disaster Response and Management Program.

Binanggit naman sa pulong ni House Legislative Liaison Office OIC Cheryl Rose Muñoz ang mga pangunahing panukalang batas na nakalinya sa legislative agenda ng 19th Congress ay ang Social Welfare and Development Agencies Bill; Public Solicitation Bill; Community-Driven Development Institutionalization Bill; AICS Bill; Magna Carta of Child Development Workers Bill; Amendments to the 4Ps Law, at ang Amendment to the Magna Carta for Public Social Workers.

Upang mas maging mabilis ang ugnayan ay naglabas ang DSWD ng mga personalidad na maaaring kontakin sa mga lalawigan.

Nangako si Taduran na ang mga isyung pagbibigay ng DSWD assistance sa mga constituents ng mga mambabatas ay mas magiging madali at maayos. Meliza Maluntag