Kamara kay Teves: Umuwi ka na!

Kamara kay Teves: Umuwi ka na!

March 11, 2023 @ 10:24 AM 2 weeks ago


Manila, Philippines – Tumanggi ang liderato ng Malaking Kapulungan ng Kongreso na palawigin pa ang pananatili ni Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves sa ibang bansa.

Ito ay sa gitna ng pagkakadawit ng mambabatas sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo nang ikanta siya ng nahuling suspek na diumano’y mastermind.

Sinabi ni House Speaker Martin Romualdez na kailangang bumalik na ng Pilipinas si Teves dahil ang official travel nito ay hanggang March 9, 2023 lamang.

“Rep. Arnie Teves has asked for a leave extension but I advised him to come back the country as soon as possible. His travel outside the country beyond March 9 is no longer authorized by the House of Representatives. Therefore, his only option is to come home,” pahayag ni Romualdez.

Naunang kinumpirma ni Secretary General Reggie Velasco na opisyal na nag-request si Teves na ma-extend ang kaniyang biyahe ngunit wala itong binanggit na bansa.

“May request siya na hanggang April 9, pero hindi valid yung request until you will specify the country. Sinabi namin yung House Rules na kailangan naka-specify yung country and then the specific date in that country.”

Si Teves ang itinurong mastermind umano sa pagpatay kay Degamo ng dalawang naarestong suspect na sina Joric Labrador at Benjie Rodriguez; pawang mga ex-Army na ngayon ay nasa kustodya na ng National Bureau of Investigation (NBI).

Ayon sa rekord ng Kamara si Teves ay nag-file ng kaniyang travel leave mula Pebrero 28 hanggang Marso 9 upang sumaillim umano sa proseso ng stem cell sa ibang bansa.

Sa insidente ng pamamaril noong Marso 4 sa Brgy. San Isidro, Pamplona, Negros Oriental kung saan nasawi si Degamo ay nasawi rin ang siyam na iba pa, 16 pa ang nasugatan kabilang ang 12 pang nasa pagamutan.

Pinayuhan pa ni Romualdez si Teves na umuwi na at harapin ang mga akusasyon laban sa kaniya.

Si Degamo at ang kapatid ng kongresista na si dating Negros Oriental Gov. Henry Pryde Teves ay mahigpit na magkalaban sa politika nitong nagdaang eleksyon.

“We all want to hear his side of the story. Maraming buhay ang nawala bukod kay Gov. Degamo,” giit pa ni Romualdez.

Si Teves ay naunang nagbanggit sa kaniyang facebook live na nangangamba siyang ituro na siyang nasa likod ng Degamo slay ngunit nilinaw nitong wala silang mapapala dahil hindi rin naman aniya makakaupo sa puwesto ang kaniyang kapatid na dati ring kongresista bilang gobernador ng lalawigan. Meliza Maluntag/ Gail Mendoza