Kamara – magiging katawa-tawa kung si Rep. Suarez ang maging Minority Leader

Kamara – magiging katawa-tawa kung si Rep. Suarez ang maging Minority Leader

July 29, 2018 @ 4:33 PM 5 years ago


 

 

Manila, Philippines – Walang karapatan si Quezon Rep. Danilo Suarez na maging Minority Leader dahil pangunahin siyang bomoto at nangampanya kay dating pangulo at Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.

Ito ang tahasang sinabi ni Marikina Rep. Miro Quimbo, ang piniling Minority Leader ng mga kongresistang nag-abstain sa botohan at hindi bomoto kay SGMA na pawang miyembro ng Liberal Party at Magnificent 7.

Ani Quimbo, ang kaniyang grupo ay sumulat na kay SGMA upang ipaalam ang botohan ng minorya.

“Pero linawin ko lang na ‘yong pagsulat na yon ay hindi para ihingi ng approval  but simply to inform the head of the institution which is the speaker. So as far as we are concerned, nagawa na namin ang dapat naming gawin.”

Hindi na rin dapat pang dalhin sa plenaryo at magbotohan pa dahil hindi maaaring ang mayorya ang mag-apruba sa kung sino ang dapat na maging oposisyon.

Hindi rin nakikitang kaagaw ni Quimbo ang grupo ni dating Speaker Pantaleon Alvarez kungdi si Suarez lamang na gustong akuin muli ang Minority Leadership “hindi siya maaaring maging Minority Leader dahil malinaw na ibinoto niya si SGMA  as the winning speaker.”

Hindi aniya maaaring maging argumento na speaker seat lamang ang pinabakante dahil mangangahulugan ito ayon kay Quimbo na si Ilocos Norte Rep. Rodolfo Farinas pa rin ang majority leader.

Kahit aniya ang speaker seat lang ang pinadeklarang bakante ay siguradong magkakaroon ng pagbabago o movement sa ibang posisyon.

“Kung ikaw ay bomoto halimbawa para mag-abstain dito kay SGMA, automatically kung ikaw ay chairman ng isang committee, tanggal ka. Wala ka ng chairmanship kasi you are already part of the minority. Only the majority can hold all these positions of chairmen. How can you lead a group if you are no longer part of them. That’s the situation of Congressman Suarez.”

Ngunit sa huli ayon kay Quimbo ay si Speaker GMA pa rin ang masusunod kung sino ang gusto nitong kilalanin  na minority.

“Kahit ano pang gawin natin dyan, kung sino ang kikilalanin at gustong kilalanin ng speaker, yon ang mananaig dahil kahit pa ano ang gawin natin pero iutos ng speaker na kilalanin si Cong. Suarez, wala tayong  magagawa.”

Pakiusap ni Quimbo kay Suarez na bigyan ng magandang panimula si SGMA at huwag na aniyang ulitin ang pagkakamali ni Alvarez na umano’y nang-iipit at nanggigipit sa mga hindi sumasang-ayon sa kaniya.

Maging si Albay Rep. Edcel Lagman ay nagsabing pinatalsik na ng grupo ni Suare ang kani-kanilang sarili sa minorya nang bomoto ang mga ito para maiupo si Speaker GMA.

“This is inevitable because a change in leadership automatically carries with it the shifting of alliances and loyalties.” (meliza maluntag)