KAMATAYAN SA SUNOG

KAMATAYAN SA SUNOG

December 20, 2022 @ 12:01 PM 1 month ago


NAKAPANININDIG-BALAHIBO ang sinapit ng magkakamag-anak na nalitson o namatay sa sunog sa Brgy. Putatan, Muntinlupa City kamakalawa ng umaga.

Akalain ba natin, mga Bro, na makaraan silang magsimba para sa Simbang Gabi, kasunod na nito ang disgrasya na umabot sa 10 kataong namatay.

Tiyak namang nagdasal ang mga ito nang taimtim para sa kaligtasan mula sa anomang banta sa buhay at ari-arian subalit hindi umubra ang kanilang dasal.

Kapalaran ba o ang Diyos na mismo ang nagtakda ng lahat?

Kung Diyos ang may gawa, ano naman kaya ang gusto niyang ipahiwatig sa lahat at ginamit na sakripisyo ang mga nasawi?

MGA TIP NG MGA BUMBERO

Maraming tip ang mga bumbero para maiwasan o mabawasan ang sunog.

Una nilang ipinaaala ang mga tamang pagtrato sa mga de-kuryenteng gamit gaya ng pagbunot sa mga ito kung tapos nang gamitin at pagbabantay kung mag-overheat ang mga ito.

Nandiyan din ang pag-iwas gumamit ng mga saksakang marami ang butas para maiwasan ang overloading ng kuryente.

Naririyan din ang tamang pagsindi o pagpatay ng mga gamit sa lutuan upang maiwasan ang mga leak o pagsabog ng mga tangke ng mga kalan.

Kapag gumamit naman ng mga kandila, tiyakin lang na malayo ang mga ito sa mga kurtina o itirik sa mga hindi nasusunog na gamit gaya ng mga porselana.

Sa mga welding shop, tiyaking walang masusunog sa mga lugar na tinatalsikan ng mga baga habang nagwe-welding.

Marami pang ibang tip ang naibibigay ng mga bumbero kung makinig tayo sa kanila.

HUWAG IPAUBAYA LAHAT SA DIYOS

Habang iniisip natin ang 10 namatay at walang nakaligtas kahit isa sa kanila sa sunog, muli nating naalaala ang Diyos.

Ang isang mahalagang leksyon sa pangyayari ay huwag ipaubaya sa Diyos ang lahat ng pangyayari sa ating buhay.

Sapagkat nilikha tayo na may isip, damdamin at kumpleto sa katawan upang makakikos tayo ng nararapat para sa atin ding kaligtasan.

Sabi nga ng iba, nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.

Kaya naman, naaalala natin ang ginagawa nating pagpapraktis sa mga miyembro ng pamilya kung paano sila magpatay ng mga de-kuryente, magbunot nang tama sa mga saksakan at magpatay ng mga breaker na abot-kamay nila.

Hangga’t maaari, may kopya tayo ng mga emergency number ng mga bumbero, barangay at iba pang mga awtoridad, gaya ng mga pulis, para mabilis nating makontak sila ‘pag may sunog.

Dapat maraming emergency number ang nasa listahan natin upang malabanan natin ang karaniwang sagot sa mga teleponong “The number you have dialled is either unattended or out of coverage area.

Anak ng tokwa, karaniwang nangyayari ito sa mga telephone number ng gobyerno na hindi dapat.

Madaling tumakas sa loob ng bahay kung bungalow o two storey lang ang tinitirhan.

Pero mas maiging ang mga pintuan ay nagbubukas papasok at palabas para madaling makalabas ang tumatakas sa sunog.

Paano ang mga nakatira sa mga condotel o condo na 4 palapag hanggang sa tuktok ng napakataas condominium at hotel?

Dito may malaking problema na maaaring hindi makayang lutasin ng katakot-takot na dasal sa lahat ng santo.