KAMAY SA PAG-AHON SA KALAMIDAD LAGING NAKAHANDA

KAMAY SA PAG-AHON SA KALAMIDAD LAGING NAKAHANDA

November 5, 2022 @ 1:25 AM 1 month ago


LAGING may mga paraan para makabangon tayo mulasa kalamidad.

Mismong ang kalikasan ang nagbibigay mismo nito o kaya’y tayo mismo o ang pamahalaan.

Tinatalakay natin ito kaugnay ng malawakang pinsalang dulot ng bagyong Paeng at mga bagyo at sama ng panahon nauna rito at kanyang sinundan.

Alalahaning nagsama-sama ang mga sama ng panahon upang sa huling sandali ay naging mapaminsala si Paeng.

Halimbawa na lang, humina na ang mga lupa sa maraming lugar dahil tagusan hanggang kailaliman ang mga ulan at baha na dala ng mga naunang mga bagyo at ulan.

Kaya naman, nang dumating si Paeng, nagkaroon ng mga landslide sa bahagi ng mga kabundukan at kaburulan.

Dahil hindi na masipsip ng lupa at ng mga halaman at puno ang ulang dala ni Paeng, dito na nagkaroon ng mga baha mula sa kabundukan na dumaloy sa mga mababang lugar.

Bukod pa ang mga baha na normal nang nalilikha sa mga patag na lugar mula sa mga malalakas na ulan.

At mula sa mga landslide at baha, nangyari na ang maraming kamatayan gaya ng 150 biktima at pagkasira ng mga ari-arian ng mga mamamayan at pamahalaan na nagkakahalaga ng bilyon-bilyong piso.

TULUNGAN PARA SA MGA NASAWI

Naririyan ang mga tulungan ng mga mamamayan at pamahalaan upang mahukay ang mga nasawi mula sa mga landslide, mapulot ang mga nalunod at iba pa hanggang sa mga araw ng paglilibing at pag-ayuda sa mga naulila.

Hindi maikakaila kung gaano ginagawa ng lahat ng mga opisyal ng mga rehiyon, lalawigan, lungsod, bayan at barangay ang kanilang makakaya para lang mapagaan ang kalagayan ng mga nasasawian.

Mula sa kanila ang mga libre o murang kabaong, libreng libingan sa mga public cemetery, ayuda habang may mga lamay at marami pang iba.

Dinudukot nila ang mga calamity fund at ba pang mga pondo at kagamitan upang alalayan ang mga biktima.

Naririyan din ang pagbuhos ng tulong at pakikisa ng mga kaanak, kapitbahay, kabarangay, kaklase, kasama sa mga organisasyon at iba pa.

Ang espiritu ng bayanihan ay buhay na buhay at dala-dala ng mga mamamayan at pamahalaan.

AYUDA PARA SA PAGBANGON

Naririyan naman ang sandamukal na ayuda ng pamahalaan para sa pagbangon ng mga nasalantaan sa agrikultura.

Mula sa Department of Agriculture mismo na si Pangulong Ferdinand Marcos ang namumuno, naririyan ang P1.74 bilyong binhi ng palay,  P11.57 milyong binhi ng mais at P20.01 milyong binhi para sa sari-saring gulay.

Mula sa P400 milyong pondo at quick response funds, may P25,000 pahiram ang pamahalaan sa bawat indibidwal bilang puhunan.

Nakikipag-ugnayan na ang DA sa mga local government Unit upang makilala at mabiyayaan ng pautang at ayuda ang mga labis na napinsala upang makabangon muli sila.

Karaniwang kinukuha ang mga benepisyaryo mula sa mga sakop ng mga lugar na isinasailalim sa state of calamity.

Nandiyan lang sa tabi-tabi ang mga kamay na handang tumulong sa ating pag-ahon at paglaya sa mga kalamidad.