‘Kamote rider’ na nanghablot ng cellphone, sumemplang, arestado

‘Kamote rider’ na nanghablot ng cellphone, sumemplang, arestado

December 5, 2022 @ 4:36 PM 2 months ago


Bulacan – Arestado ang isang 39-anyos rider na sumemplang matapos manlaban ang kanyang biktimang hinablutan ng cellphone sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM).

Kinilala ang suspek na si Neptune Añonuevo, Bus Conductor, residente ng Brgy. San Martin habang ang biktima ay si Rhys Barraquero, 26 ng Brgy. Sto. Niño.

Sa report ni SJDM Acting chief of police PLt. Col. Ronaldo Lumactod Jr, nangyari ang insidente bandang 3:30 ng umaga nitong Disyembre 4, sa Brgy. Sto. Niño.

Ayon sa report, naglalakad ang biktima pauwi ng bahay nang biglang sumulpot ang rider lulan ng “skeleton” motorcycle at hinablot ang kanyang gamit na cellphone.

Dahil dito, nagawa naman ng biktima na hablutin din ang damit nang patakas na rider kaya nawalan ito ng kontrol sa manubela at sumemplang.

Nagtatakbo ang rider na iniwan ang kanyang motorsiklo habang ang biktima ay agad nagsumbong sa nagpapatrulyang mga tanod kaya nahuli ito at isinuko sa pulisya kalaunan.

Nahaharap ang suspek sa kasong Robbery (Snatching) habang nakakulong sa naturang istasyon ng pulisya. Dick Mirasol III