Kampanya ng LTO vs drunk driving, paiigtingin

Kampanya ng LTO vs drunk driving, paiigtingin

November 30, 2022 @ 9:34 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Iginiit ng Land Transportation Office (LTO) na paiigtingin nito ang polisiya laban sa drunk driving upang maiwasan ang aksidente ngayong holiday season.

Ayon sa ulat nitong Martes,  sinabi ng LTO Law Enforcement Service (LTO-LES) na mahigpit nilang ipatutupad ang RA 10856 o ang Anti-Drug Driving Act.

Batay sa datos mula sa LTO-LES, tinugunan ng LTO ang 546 road accidents mula Enero hanggang Oktubre ngayong taon—halos walong beses kumpara sa 73 road accidents na naitala mula Enero hanggang Dsiyembre 2021.

Sa bilang na ito, 489 drivers ang nagpositibo sa alcoholic intoxication, kumpara sa 68 noong 2021.

“You can link that to speeding. Kasi usually kapag nakainom… less control sa motors sa katawan niya. So ang tendency talaga is to be involved in road crash incident. ‘Yung reflex niya nababawasan,” pahayag ni LTO Law Enforcement and Adjudication Service Deputy Director Roberto Valera.

Pwedeng sitahin ng LTO enforcers at authorized personnel ng Philippine National Police at Metropolitan Manila Development Authority ang drunk drivers.

Ang mga naaresto ay isasailalim sa field sobriety tests gaya ng horizontal gaze nystagmus test, paglakad ng siyam na hakbang forward at backwards sa tuwid na linya, at pagsasagawa ng one-leg stand sa loob ng 30 segundo.

Kapag hindi nakapasa ang driver sa isa sa tatlong tests, gagamit na ng alcohol breath analyzer.

Ang limit para sa analyzer test ay 0.05% na rekisitos sa batas para sa safe driving.

Subalit para sa professional drivers’ holders at motorcycle riders, inirerekomenda ang 0%.

“’Yung 0.05% may effect na ‘yan sa brain mo. Kaya nga bagsak ka dyan eh kasi even if sanay ka nang uminom, kapag naka-0.05% ka na, mayroon na ‘yan bawas sa iyong motor skills, sa iyong judgment kapag nag-drive ka,” sabi ni Valera.

Ang hindi pagpasa sa alcohol breath analyzer test ay itinuturing na paglabag sa batas at may kaukulang multa at pagkakakulong, base sa LTO. RNT/SA