MGA OFW AT INTERNATIONAL REMITTANCE DAY PAHALAGAHAN

NITONG nagdaang Martes, mga Bro, sinelebra ng bansa ang International Day of Family Remittances.
Napakahalagang ipagdiwang ito dahil sa napakalaking ginagampanan ng mga overseas Filipino worker hindi lang para sa kanilang mga pamilya kundi mismo sa buong bansa.
Tingnan ninyo, ano sa palagay ninyo ang kahulugan ng $35 bilyon o P2.25 trilyong remittance o padala ng mga OFW sa Pinas?
Aba, hindi lang ginhawa sa kanilang pamilya, buhay man o patay sila, ang nililikha nila kundi pagkakaroon mismo ng pamahalaan ng mga salaping kailangan nito sa pakikipagtransaksyon sa ibang bansa, kasama na ang dolyar.
Isa pa, nasa P5 trilyon ang pambansang badyet ng Pilipinas at kung nasa P2.25 trilyon ang padala ng mga OFW, ano ang ibig sabihin nito?
Isang pakahahulugan dito ang hindi pagiging pasanin ng pamahalaan ang mga pamilya-OFW kahit may krisis at naitutuon ang bilyon-bilyong piso bilang ayuda sa mga talaga namang mahirap na mahirap ang kalagayan sa loob ng bansa.
PAGKONTROL SA REMITTANCE
Ayon kay Department of Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, nakatulong nang malaki ang pagbasag niya sa pagtatangka ng mga bangkong pag-aari ng mga Amerikano na kontrolin o hawakan ang padala ng mga OFW na nasa Amerika at wala nang mapagpipilian pang ibang remittance company ang mga ito.
Pinilit rin nitong maging digital ang remittance upang mahinto o mabawasan ang iskam o pagkawala ng mga padala ng mga Pinoy.
Alalahanin na galing sa Amerika ang pinakamalaking bahagi ng padala ng mga OFW lalo’t sa bansang ito matatagpuan ang pinakamalaking populasyon ng mga Pinoy.
Kaugnay nito, meron ding kayang katulad na programa ni Locsin noon sa ibang mga bansa na may malalaki ring populasyong Pinoy gaya sa Sa Saudi Arabia at iba pang mga Arabong bansa at maging sa Europa, Japan at South Korea?
Maganda kung meron at kung wala, mga Bro, aba, dapat kumilos ang mga ambassador at iba pang mga opisyal natin sa abroad para sa kapakinabangan ng mga OFW.
KUMUSTA ANG MGA OFW
Sa tagal nang panahon na may mga OFW, nakalikha na sila ng sarili nilang kasaysayan sa bansa bilang katuwang ng pamahalaan sa pagpapaunlad ng mga pamilya at pamayanan.
Sabihin na lang nating nagsimula ang buhay-OFW sa mga dinala ng mga Amerikano na Pinoy sa unang mga taon ng kanilang pananakop sa Pinas mula 1900.
Mula noon, hindi lang kusang nag-aabroad kundi pinadadala na ang mga Pinoy sa labas ng bansa bilang bahagi ng paglikha nito ng empleyo at pagkakitaan na rin sa pamamagitan ng remittance.
May mga masasayang kasaysayan gaya ng pagkakaroon ng mga pundar sa buhay, kasama na ang pagtatapos sa pag-aaral ng mga anak.
Mayroon ding malulungkot na kalagayang ikinamatay, ikinasakit at ikinahirap ng mga pamilya.
Pero sana, higit nating alalahanin ang mga mabubuting ibinunga ng buhay-OFW kaysa masasama at kalakip nito ang pagpapahalaga sa kanila bilang milyon-milyong tunay na bayani ng Pilipinas.
MARCOS JR., IKA-17 PANGULO

NAGSIMULA na ang termino ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. bilang bagong Pangulo ng Pilipinas matapos ang matagumpay na inagurasyon sa National Museum sa Maynila, Huwebes.
Anim na taong manunungkulan si “Bongbong,” matapos siyang sumumpa kay Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo sa tungkulin sa makasaysayang gusali.
Nasa 30,000 mamamayan ang nagtungo at sumaksi sa panunumpa ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. sa tantiya ng Philipine National Police (PNP) at nasa 18,000 pulis, sundalo, coast guard at iba pa ang sumeguro sa seguridad at kapayapaan ng Pangulo at lahat ng dumalo sa okasyon.
Si Pres. Marcos naman ang nagpanumpa sa tungkulin nang sama-sama ng lahat ng kanyang gabinete, pati ang mga lokal na opisyal ng Ilocos Norte at Ilocos Sur.
Si BBM ang ikalawang Marcos na nanumpa bilang Pangulo ng Republika ng Pilipinas matapos ang kanyang amang si former Presidente Ferdinand Marcos Sr., na naging Presidente noong1972 hanggang 1981 na roon naging maayos ang pamumuhay noon ng mga Pilipino.
Kung maalala ninyo, parehong-pareho ang venue na kilala rin sa tawag na Old Legislative Building na roon ginanap ang inauguration nina dating Pangulong Manuel Que-zon (1935), dating Pangulong Jose P. Laurel (1943) at dating Pangulong Manuel Roxas (1946).
Mula sa orihinal na venue sa Liwasang Bonifacio, inilipat naman ng mga militanteng grupo gaya ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) ang kanilang mga kilos-protesta sa Plaza Miranda.
Ayon kay BAYAN secretary-general Renato Reyes Jr., ito’y para na rin sa mapayapang pagdaraos ng kanilang demonstrasyon laban sa papasok na administrasyon at para maiwasan ang hindi magandang insidente sa pagitan nila at ang mga taga-suporta ni Marcos Jr.
Aniya, ni-request din ito sa kanila ng PNP.
Halos nilangaw ang ginawang rally ng Bagong Alyansang Makabayan sa Plaza Miranda na kung saan ay iilan lamang ang nagsipuntahan sa naturang rally.
Marahil, nagsawa na ang mga tao sa mga maka-kaliwang grupo.
ABS-CBN FRANCHISE MARE-RENEW?

Lumutang ang balitang baka mabigyan muli ng prangkisa ang tsinugi sa ere na higanteng network na ABS-CBN matapos personal na bisitahin ng CEO nitong si Karlo Katigbak si Pangulong Ferdinand”Bongbong”Marcos Jr. sa kanyang headquarters sa Mandaluyong kamakailan.
Hindi man lumabas sa publiko ang detalye ng kanilang pag-uusap subalit may mga ispekulasyon na lumilinya na raw ang bossing ng tinagu-riang siga ng telebisyon network sa bansa upang mabuksan muli ang istasyon at makapag-palabas ng mga programang sadyang tinatangkilik ng sambayanan sa orihinal na Channel 2.
Kung ang sentro ng kampanya ni Pangulong Bongbong na pagkakaisa ang isaalang-alang dito, aba’y marapat na ikonsidera niyang maka-ere ulit sa telebisyon ang giant network na halos apat na taon na ring nakasara kasabay sa pagkatanggal sa trabaho ng ilang libong empleyado nito.
Hindi lang mapapasaya ni Pangulong Bongbong ang milyon-milyong tagapanood ng ABS-CBN, mabibigyan pa ng pag-asang makamit ang mga pangarap ng mga anak ng empleyadong natanggal sa trabahong kabilang na rin sa bumabatikos sa bagong administrasyon.
Subalit kailangan din na sagutin ng grupo ni Katigbak ang ilang isyung bumabalot sa kanilang istasyon, lalo na ‘yung hindi pagbayad umano nito ng tamang buwis sa pamahalaan na naging ugat ng pagkatsugi nito sa ere.
At higit sa lahat, kailangan kahit paano ay parehas at patas naman ang inilalabas nitong mga balitang seguruhing walang kinakampihan lalo na kapag eleksyon. Bagaman may kanya-kanyang kandidatong pailalim ang tv networks, hindi naman dapat hayagan ang pag-panig nito katulad noong nakaraang halalang halatang si VP Leni ang manok umano ng ABS-CBN, ‘di ba?
Oo nga’t hindi mapag-higanti ang pamilya ni Pang. Bongbong bunsod sa layunin talaga nito na mapag-isa ang watak-watak na sambayanang kailangan ngayon upang tuluyan nang makabangon mula sa krisis. Subalit maging leksyon sana sa management ng network na ito ang naging karanasan sa kanila ni dating Pang. Duterte na masyadong personal na ang atake noong 2016 na eleksyon.
Sa madali’t sabi, nasa kamay pa rin ng bagong administrasyon kung pahihintulutan ang ABS-CBN na makaere muli.
NAKABITIN PA ANG MGA PULIS SA KANILANG MGA PWESTO

HANGGANG ngayon, nakabitin pa ang mga pulis sa pwesto sa pagiging officer-in-charge pa rin ni PLTGEN. Vicente D. Danao Jr. na naitalaga sa nasabing pwesto noong Mayo 8, 2022.
Pangulo na si Apo Ferdinang Romualdez ‘Bongbong’ Marcos ngunit hanggang sa tinitipa natin ito, wala pang malinaw na napupusuan niyang magiging ganap na pinuno ng pambansang kapulisan.
Ilang tanong ang lumulutang gaya ng pananatilihin ba ni Pang. Bongbong ang sistema ng seniority at revolving door na kung minsan, ilang linggo o buwan lang ang panunungkulan ng Chief PNP?
Tutularan din daw ba ni PBBM ang naging istayl ni kababa lang na Pang. Digong na unahing italaga ang napatunayan niyang magpapairal ng gusto nitong programa sa kapulisan gaya ng nangyari noon kay ngayo’y Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa?
Nalagpasan ni Gen. Bato ang ilang heneral na mas senior sa kanya sa ranggo.
Pero naririyan din ang pagtatalaga kay dating PNP Chief General Guillermo Lorenzo Tolentino Eleazar na oks kaagad kay Pang. Digong makaraan ang nagkakaisang endorso rito ni dating Local Government Secretary Eduardo Año at iba pang mga heneral ng pulisya at ibang matataas na opisyal ng pamahalaan?
Siya noon ang pinaka-senior na opisyal.
Ang totoo, ang tatak nina PNP chiefs Gens. Dela Rosa at Eleazar ay ramdam na ramdam ng mga tao dahil higit nilang ikinabuti ang nagawa ng mga ito kaysa kanilang ikinasama sa kanila.
Ngayon naman, naniniwala ang ating Uzi na nang iluklok ng mahigit 31 milyong botante at mamamayan si Pang. Bongbong bilang pinuno ng bansa, nasa likod din sa isipan nila ang serbisyo ng mga pulis.
Kung naramdaman nila ang maayos, matapat, mapursige at seryoso na serbisyon nina Generals Bato at Guillor, tiyak na inaasahan din nila mula kay Pang. Bongbong ang ganitong mga opisyal.
Kung may pagkakaiba man ang susunod na PNP chief sa dalawang ito, marahil, walang iba kundi higit na serbisyo para sa mga mamamayan na nakapaloob sa diwa ng “To serve and to protect” ang mga mamamayan.
Ang totoo, tadhana mismo ng Konstitusyon na pangunahing tungkulin ng pamahalaan ang pagsilbihan at proteksyunan ang sambayanan.
Sa parte ng mga pulis, dapat makita ito sa laban sa krimen, terorismo at iba pang mga krimen na roon tinatawagan sila ng mga mamamayan na kumilos nang todo, matapat, makatarunga at iba pa.
Ngayon, sino nga ba ang susunod na Pinuno ng Pambang Kapulisan na pipiliin ni Pang. Marcos?
Sana ang pangarap ng sambayanan ukol sa mga pulis ang masilayan ni PBBM sa pagpili ng PNP Chief.
GINAPAKO, GINAPALA ANG KASO NI PBBM

IBINASURA na ng Korte Suprema sa botong 13-0 ang dalawang petisyon o kahilingang kanselahin ang certificate of candidacy at idiskwalipika si President-elect Ferdinand ‘Bong’ Marcos o PBBM sa nakaraang halalang Mayo 9, 2022.
Kaya naman, wala nang balakid upang maging ganap na Pangulo ng Pilipinas si Pang. Marcos sa Hulyo 1, 2022.
Katwiran ng Hukuman, balido at naaayon sa batas ang COC ni Marcos at tama ang desisyon ng Commission on Elections na payagan itong kumandidato bilang Pangulo at hindi ring idiskwalipika.
Dalawa sa 15 Hukom ang hindi sumali sa paggawa ng desisyon dahil nakaupo na commissioner si Justice Antonio Kho nang magdesisyon ang Comelec sa kaso ni PBBM habang kapatid naman ni Justice Henri Inting ang Comelec Commissioner na si Socorro Inting.
GINAPAKO, GINAPALA
Sa Kabisayaan, popular na mga salita ang ginapako at ginapala.
Tanda ito ng todong pagsisipag gamit ang pako at pala para makamit ang isang layunin, halimbawa, ang magandang sahod o kita sa trabaho o tagumpay kaya sa isang layunin.
Ganito rin ang ginawa ng mga kontra kay Marcos nand dumating ang halalan.
Bago pa nga dumating ang paghahain ng kandidatura, naging pukpukan na ang sipag ng mga ito para siraan sa madlang pipol si PBBM.
Bukod sa paghahain ng nasabing mga kaso, sinamahan pa ang mga ito ng mga rali at katakot-takot na black propaganda sa media, kasama na ang social media.
Nang ibasura ang mga kaso ng Comelec, tumakbo sila sa Supreme Court at hiniling na pigilin ang National Board of Canvassers ang pagbibilang ng balota para kay Marcos subalit hindi sumang-ayon sa kanila ang SC.
Nitong huli, ginapako at ginapala ng Hukuman ang kaso.
‘Yun bang === isinilid sa kabaong ang mga kaso saka pinakuan ang takip nito at sumunod na rito ang paghuhukay lupa gamit ang pala para ilibing ang mga kaso.
LABAN-LABAN O MAKIISA NA LANG?
Sa paglabas ng desisyon, nagpahayag ang mga militante at ilang talunang politiko nang hindi pagsang-ayon sa desisyon ng mga Hukom at binabansagan pa nga ang mga ito na natiyope lang.
Ngunit magtatagumpay kaya ang mga ito na alam naman ng lahat na wala ni isang Pangulo ng bansa ang kanilang kinilala kahit kailan?
Kung iisipin, hindi basta nagdesisyon ang mga Hukom nang ganu’n-ganu’n lamang kundi sa mga batayang naaayon sa Konstitusyon at batas at mga ebidensya.
Hindi nagdedesisyon ang mga ito sa tulak ng hangin sa pulitika dahil kumakapit higit sila sa tinatawag na “rule of law” o pamamayani ng batas.
Kung magpapatuloy ang mga kontra-Marcos sa kanilang kawalan ng pagsang-ayon sa Hukuman, maaaring maharap sila sa milyon-milyong mamamayan na nagsasabing karapat-dapat na Pangulo si Ferdinand Romualdez ‘Bongbong’ Marcos sa susunod na anim na taon.
At hindi ang sinomang sinuportahan nila nitong nakaraang eleksyon na sa totoo lang, ay tumanggap na ng pagkatalo sa iba’t ibang pamamaraan.
Ang mabuti pa, magkaisa na ang lahat para masolb ang napakalalaking problema ng bansa gaya ng kagutuman, paghihirap at pandemya.