Kampanya vs fixer pinaigting ng LTO

Kampanya vs fixer pinaigting ng LTO

January 9, 2023 @ 6:12 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Pinaigting pa ng Land Transportation Office (LTO) ang kampanya nito upang matuldukan ang modus ng mga fixer sa regional at district offices ng ahensya sa buong bansa.

Kasunod ito ng pinakahuling insidente ng pagkaka-aresto ng dalawang hinihinalang fixer sa Pamplona, Camarines Sur.

Tiniyak ni LTO Chief Assistant Secretary Jose Arturo “Jay Art” Tugade ang serye ng mga operasyon laban sa katiwalian sa kanilang hanay at sa iba pang nasasangkot sa mga ilegal na aktibidad sa ahensya.

Kaakibat nito ang muling apela ni Tugade na huwag tangkilikin ang alok na serbisyo ng mga “fixer.”

Binigyang-diin ni Tugade na ang pagdaan sa “shortcut” at ilegal na paraan ng pagkuha ng lisensya ng pagmamaneho o pagpaparehistro ng sasakyan ay maglalagay sa panganib sa buhay hindi lamang ng mismong drayber kundi maging ng kanyang mga pasahero at ng mga taong nasa lansangan.

“Dumaan tayo sa tamang proseso ng pagkuha ng lisensya at pagpapa-rehistro ng sasakyan para matiyak ang road safety. Dapat alam ng mga aplikante na mahalagang sapat ang kanilang kaalaman sa pagmamaneho at kaligtasan sa lansangan para hindi makasakit o makadisgrasya ng kapwa,” pahayag pa ni Tugade.

“Importante rin na ang mga pinapa-rehistrong sasakyan ay pasado sa road worthiness para hindi maging mitsa ng aksidente,” dagdag pa ng opisyal.

Kamakailan ay isang entrapment operation ang inilunsad ng pinagsanib na puwersa ng LTO Region 5 at pulisya sa Camarines Sur.

Dalawang hinihinalang lalaking “fixer” na may edad 74 at 34, at kapwa naninirahan sa Brgy. Poblacion, Pamplona, Camarines Sur ang huli sa aktong isinasagawa ang ilegal na aktibidad sa opisina ng LTO sa Brgy. Del Rosario, Pamplona, Camarines Sur.

Nahaharap na ang dalawang suspek sa kasong paglabag ng Section 12 ng Republic Act 9485 o “Anti-Red Tape Act of 2007.”

Ipinahayag ni LTO Chief Tugade ang kaniyang pagkalugod at pasasalamat sa pagsisikap na ipinamalas ni LTO Region 5 Regional Director Francisco Ranches, Jr. at Assistant Regional Director Vincent Nato sa walang kapaguran na kampanya nito kontra sa mga fixer sa kanilang nasasakupan, at sa mabilis nitong aksyon sa pag-aresto sa mga suspek. Jan Sinocruz