Kampanya vs iligal na sugal paiigtingin ng NCRPO

Kampanya vs iligal na sugal paiigtingin ng NCRPO

May 17, 2022 @ 4:40 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Inatasan na ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Maj. Gen. Felipe Natividad ang limang police district na paigtingin ang kampanya nito laban sa mga iligal na sugal sa kani-kanilang nasasakupan.

Kasunod ito ng ulat na ilang illegal gambling activities kabilang ang “Peryahan ng Bayan” ang patuloy na nag-o-operate.

Inatasan din ni Natividad ang Manila Police District (MPD), Quezon City Police District (QCPD), Northern Police District (NPD), Southern Police District (SPD), at Eastern Police District (EPD) na tiyakin ang “no take policy” sa pagtugon sa iligal na sugal.

“Team NCRPO will intensify its standing policy and campaign against illegal gambling, particularly the illegal numbers game operations. We will also strictly enforce the no-take policy from illegal gambling and other illegal sources. Commanders on the ground in violation of this order will face severe sanctions, ” ani Natividad.

Samantala, mula Mayo 1 hanggang 15, 2022, nasa 123 operasyon na laban sa mga iligal na pasugalan ang naisagawa ng NCRPO.

Kabilang dito ang pagsalakay sa mga illegal numbers games, video karera/fruit game, at iba pang uri ng iligal na sugal na nagresulta sa pagkakaaresto sa 370 indibidwal at pagkakakumpiska sa 107,455 gambling materials at paraphernalia.

“Upang masawata ang ganitong iligal na gawain, kailangang panatilihin natin ang ating hanay na di masangkot dito. Bantayan natin yung ating mga tao at palagi natin silang paalalahanan na huwag ng subukin o magtangka pang masangkot sa anumang uri ng iligal na gawain. Gayundin kayong mga opisyal at namumuno, maging modelo tayo sa ating mga nasasakupan. Gaya ng parati kong sinasabi, magtrabaho lang tayo ng maayos at tama at laging isapuso ang disiplina,” dagdag niya.

Samantala, un ana ring inatasan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang Philippine National Police (PNP) at ang mga local government units (LGUs) na bantayan kung patuloy na nag-o-operate ang mga “Peryahan ng Bayan” sa kanilang lugar na hanggang sa ngayon ay suspendido. RNT/ JCM