Kandidatong madidiskwalipika pwedeng palitan sa Halalan 2022 – Comelec

Kandidatong madidiskwalipika pwedeng palitan sa Halalan 2022 – Comelec

January 20, 2022 @ 9:58 AM 7 months ago


MANILA, Philippines – Maari umanong palitan ang isang kandidato na madidiskwalipika bago ang halalan 2022.

Ito ang paglilinaw Comelec Senior Commissioner Rowena Guanzon, kaugnay sa ginawang pagbasura ng Comelec Second Division ang petisyon na kanselahin ang certificate of candidacy (COC) ni presidential aspirant Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa Eleksyon 2022 dahil sa kawalan ng merito.

Sinabi ni Guanzon sa Facebook live na yung petitioner ayon sa Second Division resolution ay nagkamali sila dahil isa lamang dapat yung ground sa cancellation, na si Marcos ay gumawa ng maling representasyon sa COC kung kaya dapat ikansela ang kanyang COC.

Isa lamang ang nabasurang petisyon sa mga inihain laban sa kandidatura ni Marcos.

Mayroon pang nakabinbing disqualification case laban kay Marcos sa Comelec First Division, kung saan miyembro si Guanzon, kasama sina Commissioners Marlon Casquejo at Aimee Ferolino-Ampoloquio.

Nilinaw ni Guanzon, na ang cancellation case ay iba sa disqualification case.

Ayon kay Guanzon, sa disqualification case, ang nadiskuwalipikang kandidato ay maari umanong palitan pero kailangan ay kapartido o kaapelyido.

“Anong resulta kapag nakansela ang COC? Ibig sabihin sa simula pa lang dapat invalid or void ang kanyang COC, ibig sabihin parang wala siyang na-file na COC. Ang ibig sabihin po ng cancellation ang resulta po niyan hindi po siya puwedeng makapag-substitute,” paliwanag ni Guanzon.

“Ano po ang kaibahan niyan sa doon po sa disqualification na hawak namin? Ang resulta po ‘pag siya ay na-disqualified ay puwede siyang mag-substitute basta kapartido niya at magkapareho ng apelyido. Hindi po kailangang magkamag-anak sila basta magkaapilyedo po sila at pareho sila ng political party,” sabi pa nito .

Ang pagpapalit din aniya ng nadiskuwalipikang kandidato ay maaring gawin “before noon of Election Day.”

Dagdag pa nito, maaring iapela sa Comelec En Banc at Korte Suprema ang desisyon ng Comelec Division .

Aniya ang SC ang siyang may huling desisyon sa tinatalakay na petisyon.

“Puwede pa pong umapela ang mga natalo sa aming Commission En Banc. Mula po sa Commission En Banc ang partido na hindi sang-ayon sa aming desisyon ay maaring umakyat po sa Korte Suprema doon po talaga ang final na desisyon sa mga issue na ito,” pahayag pa ni Guanzon. Jocelyn Tabangcura-Domenden