Kanlaon, Bulusan nagpakita ng senyales ng phreatic eruption – PHIVOLCS

Kanlaon, Bulusan nagpakita ng senyales ng phreatic eruption – PHIVOLCS

July 7, 2022 @ 6:12 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Nagpakita ang bulkang Kanlaon at bulkang Bulusan ng mga senyales ng phreatic o stream-driven eruptions, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) nitong Huwebes.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni PHIVOLCS officer-in-charge Undersecretary Renato Solidum Jr. ang ikinababahala ng ahensya ay ang “tornillo type volcanic earthquakes” na naobserbahan sa Kanlaon sa mga nakalipas na araw.

“Noong mga nakaraang araw meron tayong na-record na tinatawag na tornillo type volcanic earthquake event. Ito po ay isang hugis turnilyo at ito po ang nagbibigay ng parang concern sa atin,” paglalahad niya.

Ayon pa sa kanya, ang tornillo volcanic earthquake event ay karaniwang sinusundan ng phreatic o steam-driven explosion, at idinagdag “swollen” ang bulkan.

Gayundin, sinabi ni Solidum na nakikita ng PHIVOLCS ang posibilidad ng phreatic o steam-driven explosions ng Bulusan.

“Pareho po ng Bulkang Kanlaon, nakikita natin na posibleng magkaroon din ng steam-driven explosion ang Bulusan. At importante na pag-ingatan ito,” babala ni Solidum.

Pinaalalahanan din niya ang mga residente na umiwas sa four-kilometer permanent danger zone ng mga bulkan.

Inanunsyo rin ng PHIVOLCS na nakapagtala ng limang pagyanig sa Kanlaon at 11 sa Bulusan sa nakalipas na 24 oras. RNT/SA