Kano, nakipila sa kumukuha ng pagkain, tinumba

Kano, nakipila sa kumukuha ng pagkain, tinumba

March 18, 2022 @ 4:30 PM 3 months ago


KYIV – Patay ang isang American national makaraang barilin ito habang pumipila sa mga kumukuha ng mga rasyong pagkain sa Chernihiv malapit lang sa Kyiv.

Hindi pa alam kung sino ang pumaslang kay Jim Hill ng Idaho, US subalit pinaniniwalaang sniper ang bumaril dito at isang Ruso.

Bagama’t sa Kyiv naninirahan si Hill, dinala nito ang kanyang asawang may sclerosis sa Chernihiv para ipagamot.

Bago namatay si Hill, naging aktibo ito sa social media at ipinaaalam nito ang kalagayan ng kanyang pamilya sa kanyang mga kamag-anak.

Sinasabi rin nito na napadelikado ang paglabas-labas ng bahay dahil napakarami ang mga espiya at binabaril ang mga gustong tumakas palabas ng Chernihiv, bukod pa ang walang tigil na pambobomba at pangmi-missile ng tropang Ruso sa lungsod.

Ngunit napilitan itong lumabas sa kanilang tinitirhan dahil kakaunti na lang umano ang pagkaing natitira para sa kanila at doon na siya namatay nang pagbabarilin ang mga pumipila.

Sinabi naman ni Russian Ambassador sa United Nations na si Vasily Nebenzya na walang sundalong Ruso sa Chernihiv at maaaring mga pinagbibigyan ng baril ng pamahalaang Ukraine ang gumawa ng pamamaril. RNT