Kanselasyon ng 2022 polls dahil sa COVID inihirit

Kanselasyon ng 2022 polls dahil sa COVID inihirit

September 24, 2020 @ 7:45 PM 1 month ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Humirit si Deputy Majority Leader at Pampanga Rep. Juan Miguel Arroyo sa Commission on Elections na pag-aralan ang posibilidad na kanselahin muna ang eleksyon sa 2022.

Sa deliberasyon ng COMELEC 2021 proposed budget ng House Committee on Appropriations ay binigyang diin ng mambabatas ang kaniyang pangamba na maaaring magkaroon ng kontaminasyon ng COVID-19 sa araw ng eleksyon.

Posible rin aniyang kahit handa ang COMELEC ay marami ang hindi magpaparehistro  at marami rin ang hindi makaboboto dahil sa takot sa pandemya.

Ngunit tinugon ito ni Comelec Chairman Sheriff Abas na hindi maaaring ipagpaliban ang eleksyon sa 2022 dahil ito ay mandatong isagawa sa takdang panahon.

Giit ni Arroyo na makabubuting ang mga taga-COMELEC mismo ang magtulak na ipagpaliban ang eleksyon dahil kapag ang mga kongresista ang magsusulong nito ay maaaring pagdudahan ng taumbayan.

Aminado si Abas na mabigat na usapin ang pagpapaliban sa pambansang halalan at wala aniya sa posisyon ng Comelec ang ganitong pagkilos kungdi ito ay nakasalalay sa KOngreso.

Ngunit handa naman aniya ang COMELEC na pag-aralan ang rekomendasyon ni Arroyo kung saan ang gagawin aniya nilang batayan ay ang magiging development sa kalusugan at ang bakuna ng COVID-19.

Sa nasabing budget hearing ay humirit na rin ang COMELEC na ibalik ang tinapyas na alokasyon ng ahensya para sa 2021.

Ang inaprubahan lamang ng Department of Budget and Management na pondo para sa COMELEC sa 2021 ay P14.56 bilyon gayung ang hinihiling nito ay P 30.673 bilyon.

Paliwanag ni Comelec Spokesperson James Jimenez, ang tinapyas na pondo ay gagamitin sana para ipambili ng dagdag na makina para sa 2022 elections at maipatupad ang contingency plan at matiyak na ligtas sa COVID-19 ang halalan.

Sa 2022 ay inaasahang aabot sa 65.304 milyon ang rehistradong botante na magtutungo sa mga presinto para bomoto.  (Meliza Maluntag)


  •  
  •  
  •  

Loading...