Kapag dinampot dahil napagkamalang tambay: Publiko, may pang-resbak na sa mga pulis

Kapag dinampot dahil napagkamalang tambay: Publiko, may pang-resbak na sa mga pulis

June 18, 2018 @ 6:33 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – May pang-resbak na ang isang indibiduwal na mabibiktima ng mga pulis kapag napagkamalang tambay.

Ani Presidential spokesperson Harry Roque, may legal remedies ang publiko na maaaring gamiting pang-buwelta sa mga pulis na dadamputin siya dahil aakalain na siya ay tambay.

Bukod dito, may establisadong mekanismo na nakasaad sa Konstitusyon at ito’y “people can exercise against the police who will act “in excess of authority.”

“Unang-una po, ‘pag ang mamamayan ay inaresto at hindi naman kinasuhan, maaaring kasuhan ng kriminal for illegal detention ‘yung ating kapulisan. Pangalawa, bilang remedy, meron naman tayong existing remedy na pwedeng gamitin ng mabilisan—‘yung Habeas Corpus po mabilisan yan. At tsaka meron pa tayong Writ of Amparo ngayon,” aniya pa rin.

Ang Writ of Habeas Corpus ay nagbibigay kautusan sa mga tagapagpatupad ng batas na bigyang katuwiran ang paghuli at pagkulong sa isang indibiduwal o bilanggo.

Kapag ang isang indibiduwal o bilanggo ay kayang makipagtalastasan ukol sa paglabag sa kanyang constitutional rights, ay agad na ipag-uutos ng Korte ang kanyang paglaya.

Sa kabilang dako, ang Writ of Amparo naman ay naglalayong protektahan ang iba pang fundamental rights na nakapaloob sa Saligang batas na hindi sakop ng Writ of Habeas Corpus.

“Institutionalized na po ‘yan. Nandiyan ang Bill of Rights. Kung walang basehan ‘yan, eh nandyan naman po ang ating hukuman,” ani sec. Roque.

Noong nakaraang linggo ay nag-viral sa social media ang post ng isang call center agent sa Makati City  na dinampot ng mga pulis at dinala sa police station gayong hinihintay lamang nila ang kanilang kaibigan.

Tinuruan din ni Sec. Roque ang isang indibiduwal na makakaranas ng ganitong insidente na maghain ng civil damages laban sa pulis kapag nakaranas ng trauma dahil sa nangyari sa kanya.

Samantala, wala namang dapat na ikabahala ang sinuman kung madadampot ng pulis lalo pa’t wala namang ginagawang labag sa batas.

“I think, kung hindi ka naman identified doon sa komunidad na talagang walang ginagawa kundi tumambay lamang, wala kayong dapat ipangamba. Either alam ng pulis, meron silang personal knowledge na talaga itong tao na ito ay talagang tambay at meron na sigurong negative record,” ayon kay Sec. Roque sabay sabing “It’s a case to case to case basis po kaya mahirap talagang magkomento”. (KRIS JOSE)