Kapag ipinagpilitan na puwede siyang maging Pangulo hanggang 2030: Pangulong Digong, mayayamot- Sec. Roque

Kapag ipinagpilitan na puwede siyang maging Pangulo hanggang 2030: Pangulong Digong, mayayamot- Sec. Roque

July 6, 2018 @ 1:08 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Mayayamot si Pangulong Rodrigo Roa Duterte kapag patuloy na ipagpilitan sa kanya na puwede siyang maging Pangulo ng bansa hanggang 2030 kung muli siyang tatakbo sa ilalim ng panukalang Federal government.

Ang katuwiran ni Presidential spokesperson Harry Roque, paulit-ulit kasing sinasabi ng Pangulo na ayaw niyang manatili sa puwesto maski isang segundo matapos ang kanyang termino sa 2022.

Ang sabi pa aniya ng Pangulo ay kung magkakaroon lang ng Pederalismo bago pa sa 2022 ay handa na siyang bumaba sa kanyang posisyon.

Kaya nga, hindi bentahe kay Pangulong Duterte ang panukalang federal government.

“Hindi naman po tayo sigurado sa ganiyang interpretasyon, kasi bagaman at sinasabi nila na bagong Saligang Batas ito, pupuwede namang mailagay din ito sa transitory provision na lahat noong sakop ng pagbabawal sa re-election ay sakop pa rin. So hindi po ako sigurado kung tama nga itong interpretasyon na ito. Kasi siyempre iyong sinasabi ng Saligang Batas, iyon ay mayroong bisa, dahil iyan po ay kontrata sa panig ng mamamayan at mga namumuno,” aniya pa rin.

Sa ulat, binigyang diin ni Julio Teehankee, chairman ng sub-committee on political reforms ng Consultative Committee (ConCom) na “It is a reboot. It is a re­set. Their term will end 2022. There is no ban. They can run under the new constitution,” na ang tinutukoy ay sina Pangulong Duterte at Vice President Leni Robredo.

Sa ilalim ng draft fe­deral government ay magka-tandem na ihahalal ang pangulo at bise nito.

Sinabi pa ni Tehankee, nakapaloob din dito na May 4 na taong termino ang elected officials at puwedeng tumakbo sa reelection.

Nilinaw pa ng ConCom member, sa 2022 magtatapos ang termino ni Duterte at kung epektibo na ang federal government ay puwedeng tumakbo si Duterte.

Matatandaang ina­pru­bahan ng ConCom ang draft federal government at isinumite nila ito sa Pangulo upang isumite naman sa Kongreso.

Dadaan pa rin ito sa hatol ng taumbayan kahit aprubahan ng kongreso sa pamagitan ng plebisito.

Nakapaloob din sa draft federal government ang probisyon laban sa political dynasty. (Kris Jose)