KAPAG LASING NA HUWAG MAGMANEHO

KAPAG LASING NA HUWAG MAGMANEHO

December 19, 2022 @ 1:55 PM 2 months ago


DAMANG-DAMA na ang Pasko ngayong taon.

Isa sa pinakamalaking palatandaan ang pagkakaroon ng katakot-takot na trapik kahit saan.

Imadyinin na lang natin, mga Bro, ang dating 1 oras na biyahe sa bahagi ng Batangas hanggang bahagi ng Metro Manila, inaabot na ng 4-5 oras, araw man o gabi ‘yan.

Pero kahit ganito ang trapik, nakararating pa rin ang mga nagtatagpo-tagpo sa gusto nilang tagpuan.

Halimbawa, Christmas Party, abutan ng sahod, 13th month pay, bonus, allowance, ayuda, pasyalan at iba pa.

Iba pa ang mga kaduda-duda ang pinupuntahan at kinakatagpo, magtanong pa kayo kay misis. Hehehe!

PUNO NG DISGRASYA

May nakita lang tayong hindi maganda talaga sa pagbiya-biyahe at pakikipagtagpo.

‘Yun bang === inuuna ang tumungga ng alak bago bumiyahe.

Oks lang ang mga sitwasyon na “biruin mo na ang bagong gising, huwag lang ang sobrang lasing.”

Maaaring iisa o dadalawa lang ang mapapahamak.

Pero ‘yang umiskor muna bago bumiyahe, anak ng tokwa, ang daming disgrasya ang ibinubunga niyan.

May mga kakilala at kaibigan tayong madalas na nakauuwi sa kanilang bahay ngunit hindi alam kung paano sila nakauwi.

Kaya lang, puno ng gasgas o sira ang dala-dala nilang sasakyan at nadadamay pa ang iba ng kanilang nadaraanan.

Pero ibang usapan na kung mahulog sa bangin at makipagbanggaan ang sasakyan na may sakay na marami at lasing ang tsuper.

Tingnan na lang ang dalawang babaeng empleyado ng Department of Agriculture nito lang nakaraang linggo sa Ramon, Isabela.

Namatay sina Karen Briones at Addison Kyle La-ao; habang sugatan ang kanilang driver na si Tommy Timoteo nang banggain ang kanilang sinasakyan ng isang kotse na minamaneho ng lasing na si Allan Mark Barroza.

Makaraang mabangga ang van ng mga biktima, sumalpok ito sa kasalubong na trailer truck at doon na nasawi ang mga biktima.

Nito namang nakaraang mga araw lamang, may nag-reunion na magkukumpare.

Nang malasing na, siyempre pa, uwian na, anak ng tokwa, sumemplang ang kanilang pick-up.

Lasing ang tsuper kaya natigok ang walong sakay nito.

Ewan ko kung may nakaburol pa sa mga biktima sa disgrasyang nangyari sa Calamba, Laguna.

MOTORSIKLO AT BUS

Dito tayo sa mga motorsiklo at pamapasaherong bus din tayo mag-usapa ukol sa mga lasing na tsuper.

Ilang beses na tayong nakatagpo ng mga sumesemplang na nakamotorsiklo at natatagpuan nating parehong lasing ang tsuper at angkas nito, mapababae o mapalalaki.

May iniulat nga tayong tsuper na sakay ang kanyang buntis na misis na nahulog at namatay nang makipagkarera ito sa isang kapwa nakamotorsiklo sa Sta. Maria, Bulacan.

Hindi naman mabilang sa daliri ang mga nadidisgrasyang bus na may maraming patay makaraang mabangga o mahulog sa bangin ang bus dahil lang sa nakainom na tsuper.

Sana naman, hindi maulit-ulit ang mga disgrasya na gawa ng mga lasing na driver.