KAPAG MAY USOK MERONG APOY (IKALAWANG BAHAGI)

KAPAG MAY USOK MERONG APOY (IKALAWANG BAHAGI)

July 6, 2022 @ 5:01 PM 1 month ago


HINDI naman sa hinuhusguhan natin ang mga nasa listahang ibinunyag ni Senate President Tito Sotto subalit sadyang nagkataon nga ba na ang balwarteng hawak nila kagaya halimbawa ng Navotas ay itinuturo rin na bagsakan ng mga imported na isda?

At hindi man hayagang sinabi ni Pangulong Ferdinand” Bongbong” Marcos Jr. sa pag-uusap nila ng Senador ngunit kumbinsido raw ang Presidente sa pama­magitan ng reaksyon nito na ma­lawakan nga ang nagaganap na korapsyon sa BOC, Immigration, DA at iba.

Sa ganitong sitwasyon, maliwanag pa sa sikat ng araw na hindi lang pagpapalakas ng agrikultura ang dahilan kung bakit inupuan ni Pangulong Bongbong ang DA at magsisilbi siyang kalihim nito habang wala pang napipiling karapat-dapat at walang bahid ng katiwalian ang pagkataong tagapangasiwa nito, kundi pinaniniwalaang aalamin din nito kung paano nangyayari ang agri smuggling at sino ang sangkot na opisyal sa sindikato.

Mamayagpag kaya ang pagpupuslit ng agricultural products sa bansa kung walang mga protektor mula sa mga ahensyang ginugulungan ng kunwari’y mga dokumento ng importers na pinaniniwalaan umanong kakutsaba ang taga loob kapalit ng milyones na tongpats?

Hindi kaya ang mga napabalitang pinaghuhuli ng mga otoridad na puslit na mga gulay ay latak lang ng totoong tone-toneladang agri products na malayang naipapasok sa mga puerto ng bansang pumapatay naman sa mga magsasaka’t mangingisda rito?

Susmaryusep, oras na maa­moy ni Pangulong Bongbong ang mga padrino ng sindikatong ito, naseseguro kong sa kangkungan pupulutin ang mga walanghiya bunsod sa batid ng sambayanang seryoso ang bagong upong Presidente na tuldukan na ang malawakang agri smuggling sa bansang sadyang nag-pahirap pa sa lugmok na kalagayan ng tinaguriang food producers natin.

Paano nga naman matutupad ang inaasam-asam ng taumbayang kung hindi masusugpo ang pagpupuslit ng karne, gulay at isda?