Tulad ng pamagat ng pelikula ng yumaong Fernando Poe Jr. na “Kapag Napuno ang Salop” dumarating ang pagkakataon sa buhay ng tao kung kailan ang kinikimkim na labis na galit at pag-aalala ay pahirap nang pahirap na kontrolin hanggang sa mapuno at pakawalan niya ang umaapaw na poot.
Kamakailan ay lumabas ang news footage na nagpapakita sa isang opisyal ng United States na tumatalakay sa ginagawa ng China sa Spratly Islands kabilang na ang pagbuo ng mga artipisyal na isla, pagtatayo ng lalapagan ng eroplano, militarisasyon ng lugar at hayagang pagbalewala sa desisyon ng United Nations arbitration court na nagsasabing ang makasaysayan umano nilang “nine-dash claim” ay hindi totoo.
Ang Pilipinas at Vietnam ay kapwa sumisigaw ng “foul” sa pamamayagpag ng China sa mga lugar na matatagpuan sa loob ng kanilang exclusive economic zones na idineklara pa ng United Nations Convention on the Law of the Seas.
Ang mga mangingisda ay nabu-bully at pinagsasamantalahan ng mga miyembro ng China Coast Guard na lumalapit sa mga bangka ng mga Filipino sa Panatag Shoal, humihingi o kaya ay kumukuha na lamang ng pinakamagaganda sa kanilang mga nahuling isda nang walang anomang permiso.
Hanggang ngayon, hindi makapaniwala at matanggap ng karamihan ng mga Pinoy kung bakit pinayagan ng ating gobyerno ang China na patuloy na mamayagpag at kontrolin ang ating karagatan sa mga nagdaang taon.
Ang problema ay nagsimula sa panahon ni dating President Noynoy Aquino na piniling mag-file ng legal na protesta kaugnay ng problema sa United Nations.
Ang desisyon na naresolba ng nasabing arbitration court ay pabor sa atin noong 2016 sa termino ni President Duterte pero patuloy na ipinagpaliban ng Punong Ehekutibo ang pagpapatupad nito dahil itinuturing niya-ng malapit na kaalyado ang China.
Subalit kung biglang lumala ang sitwasyon at makipagdigmaan ang Amerika sa China dahil sa patuloy na pang-aabuso sa Spratlys, ang tanong na maiisip ay kung sino ang susuportahan ng Pilipinas sa dalawang nabanggit na bansa?
Walang duda na may obligasyon tayo na kumampi sa Amerika dahil may umiiral tayong tratado na nilagdaan noong 1951 na nagsasaad na ang Pilipinas at US ay susuportahan ang isa’t isa sakali mang may dayuhang pananalakay o pananakop.
Pero nananatili ang problema na para kay Duterte, ang China ay mala-pit na kaibigan at nais niyang manatili ang magandang relasyon nila ni Chinese President Xi Jinping.
Kung maaari ay nais niyang higit pang mapalakas ang pagkakaibigan nila sa mga darating na taon.
-FIRING LINE NI ROQUE