Kapakanan ng mga kababaihan, patuloy na susuportahan ng PCSO

Kapakanan ng mga kababaihan, patuloy na susuportahan ng PCSO

March 5, 2023 @ 12:50 PM 3 weeks ago


KASABAY ng paggunita sa “National Women’s Month” ngayong Marso, nangako ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na ipagpapatuloy ang suporta nito sa mga programang tumutugon sa kapakanan ng kababaihan.

“Makakaasa po kayo na patuloy na susuportahan ng PCSO ang mga programa para sa kapakanan ng kababaihan. Kaugnay nito, patuloy rin nating pinag-aaralan kung ano ba ang magagawa pa para makapag-ambag sa pagsisikap para sa mas inklusibong lipunan,” ani PCSO Chairman Junie E. Cua.

Inilunsad ngayong taon ang National Women’s Month na may temang “WE for gender equality and inclusive society” na tatakbo hanggang taon 2028.

Binanggit ni Cua na isinusulong ng PCSO ang temang ito noong nakaraan, na may mga programa na naglalayong gawing muli ang mga kababaihan, lalo na ang mga biktima ng pang-aabuso, sa lipunan sa pamamagitan ng empowerment efforts tulad ng livelihood training at counseling.

Aniya, ginawa ito sa pamamagitan ng Institutional Partnership Program (IPP) ng ahensya, na tumutulong at sumusuporta sa iba’t ibang welfare agencies at charitable medical facilities sa buong bansa.

Nakatulong din aniya ang PCSO sa 62 iba’t ibang institusyon na may kabuuang halagang P28.3 milyon.

Ayon pa kay Cua, pinag-aaralan ng PCSO ang mga paraan upang matugunan ang mga pangangailangan ng kababaihan at mga bata na apektado ng mga kalamidad sa pamamagitan ng tulong na ibinibigay nito bilang bahagi ng Corporate Social Responsibility program.

“Pinag-aaralan po namin kung paano magiging mas responsive sa pangangailangan ng mga kababaihan at mga bata ang mga relief packs at iba pang ayuda na binibigay natin sa mga apektado ng kalamidad,” ani Cua.

“Sinusuportahan po ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang mga paraan para mapabuti ang kalagayan ng ating mga kababayan. We will continue to do just that,” dagdag pa ng opisyal.

Nabatid kay Cua na magsasagawa rin ang PCSO ng mga aktibidad para sa pagdiriwang ng kababaihan sa buong buwan. RNT