Kapakanan ng mga kabataan sa pag-aalburuto ng Taal, pinatitiyak ni Win sa LGUs, DOH

Kapakanan ng mga kabataan sa pag-aalburuto ng Taal, pinatitiyak ni Win sa LGUs, DOH

July 6, 2021 @ 3:10 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Sa gitna ng banta ng COVID-19 at posibleng pagsabog ng bulkang Taal, hinimok ni Senador Win Gatchalian ang Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at mga local government units (LGUs) na tiyakin ang kaligtasan ng mga kabataan habang inililikas ang mga residenteng maaaring maapektuhan.

Maliban sa pagkakaroon ng mga ligtas na espasyo para sa mga kabataan, isinusulong ni Gatchalian ang agarang pagpapamahagi ng mga pangunahing pangangailangan at mga serbisyo tulad ng pagkain at nutrisyon, tubig, sanitary at hygiene kits, mga psychosocial interventions, at iba pang kinakailangan sa panahon ng mga sakuna.

Sinabi ni Gatchalian na nakatakda  sa Children’s Emergency Relief and Protection Act na dapat maipahagi kaagad  ang pangangailangan at serbisyo sa kabataan sa panahon ng kalamidad.

“Inaatasan ng naturang batas ang DSWD na  bumuo ng Comprehensive Emergency Program for Children (CEPC) na magiging basehan sa pagresponde sa mga kalamidad at iba pang sakuna,” ayon kay Gatchalian.

Aniya, layunin ng programang ito na bigyan ng proteksyon at suportahan ang pangangailangan ng mga bata, kabilang ang mga buntis at lactating mothers.

Matatandaang noong 2020 ay iniulat ng children’s organization na Save The Children na hindi bababa sa isang daan at dalawampu’t apat na libong (124,000) mga kabataan ang napilitang lumikas mula sa kanilang mga tahanan noong sumabog ang bulkang Taal.

Binigyang diin din ni Gatchalian na nahaharap ang mga bata, lalo na ang mga batang babae, sa banta ng karahasan at pang-aabuso sa panahon ng mga kalamidad.

Sa isang pag-aaral noong 2017 ni Dr. Gloria Luz M. Nelson, isang social science researcher ng Department of Science and Technology DOST– National Research Council of the Philippines (DOST – NRCP), ang mga babaeng may edad na sampu (10) hanggang labing-siyam (19) ay humaharap sa panganib na mabuntis o kaya ay mamolestya sa kanilang pananatili sa mga evacuation centers.

Ito ay mula sa pag-aaral ni Dr. Nelson hinggil sa epekto ng mga bagyong Yolanda at Ruby noong 2013 at 2014 sa mga batang kababaihan.

Mandato rin sa ilalim ng Children’s Emergency Relief and Protection Act ang mas pinaigting at komprehensibong mga hakbang upang masugpo at ma-monitor ang iba’t ibang uri ng pang-aabuso at karahasan sa panahon ng kalamidad.

“Ngayong nahaharap ang mga kabataan sa pinagsamang panganib ng pandemya at posibleng malakas na pagsabog ng bulkang Taal, dapat nating tiyakin ang kanilang kaligtasan mula sa pagkakasakit at pang-aabuso,” pahayag ng Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Upang tugunan naman ang mga hamong hinaharap ng mga evacuees tulad ng congestion, kakulangan ng mga pasilidad, at iba pang mga panganib, inihain ni Gatchalian ang Senate Bill No. 747 noong 2019 na nagsusulong ng panukalang batas upang magkaroon ng permanenting evacuation center sa bawat lungsod at munisipalidad sa bansa. Ernie Reyes