Kapangyarihan ng CA iginagalang ng Malakanyang

Kapangyarihan ng CA iginagalang ng Malakanyang

June 2, 2022 @ 4:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Kinikilala ng Malakanyang ang kapangyarihang ipinagkaloob ng Saligang Batas sa Commission on Appointments (CA).

Kaya nga ayon kay acting Presidential spokesperson Martin Andanar ay ginagalang nila ang kapangyarihan ng CA na magkumpirma ng appointments na ginawa ng Pangulo.

Tugon ito ng Malakanyang nang tuluyan ng na- bypass ng CA ang huling batch ng appointees ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Ito ay sina Comelec Chairman Saidamen Pangarungan, Comelec Commissioner George Garcia, Comelec Commissioner Aimee Torrefranca-Neri, CSC Chairman Karlo Nograles at COA Chairperson Rizalina Justol.

Hunyo 1 kasi ang huling araw ng CA para sa isang plenary session bago mag adjourn sine die ang 18th Congress. Sa kabila nito ay bigo ang CA na makabuo ng quorum kung saan walong mambabatas lamang ang dumating sa pagdinig.

Ang pagbypass sa mga itinalaga ni Pangulong Duterte ay nangyari matapos inilahad ni Senador Juan Miguel Zubiri na may mga incoming cabinet officials na tumatawag sa kanya at sinabing hayaan na lamang ang susunod na administrasyon na magtalaga sa mga nabanggit na posisyon.

“Hindi naman to reject, ang request lang naman ng bagong administration is give them the opportunity to appoint. ‘Yun lang naman. I think that is a good courtesy to the new administration. It is a matter of principle,” ani Zubiri.

Bago ang pagdinig kahapon, ika-1 ng Hunyo ay dalawang beses nang na delay ang committee proceedings ng mga nasabing ad interim appointees.

Sa kabila ng mga pangyayari, ay handa namang agad na sumunod dito si COMELEC Commissioner George Garcia sa kabila ng naging bahagi sya sa itinuturing ng pinakamatagumpay na halalan sa kasaysayan ng Pilipinas.

“Pasasalamatan ko po ang Pangulong Duterte sapagka’t siya ay nagbigay ng pagkakataon sa isang katulad ko mula sa isang practitioner ay na appoint sa posisyon na ito. Bagama’t hindi successful ang ating confirmation ay maraming salamat pa rin, lalo na rin kay Senator Bong Go at kay Executive Secretary Medialdea,” ani Atty. George Garcia, Former Comelec Commissioner.

Sa pagdinig kaninang umaga, naghayag ng pagpabor si Sen. Koko Pimentel sa track record ni Nograles at Justol.

Pabor din si Sen. Bong Go para sa confirmation ng 5 opisyal sakaling nagkaroon ng quorum.

Ang limang opisyal na wala pang isang taon sa kanilang posisyon ay posible lamang na makumpirma sa CA sakaling magpapatawag ng special session si Pangulong Duterte habang naka adjourn ang Kongreso. Kris Jose