Kapangyarihan sa pag-regulate ng online streaming services hirit ng MTRCB

Kapangyarihan sa pag-regulate ng online streaming services hirit ng MTRCB

September 22, 2022 @ 5:14 PM 2 weeks ago


MANILA, PhilippineS – Inihihirit ng Movie and Television Review and Classification Board sa Kongreso na mabigyan ito ng awtoridad na i-regulate ang online streaming services, ayon sa budget sponsor ng MTRCB sa House of Representatives, Cavite 5th District Rep. Roy Loyola.

Inilabas ni Loyola ang pahayag noong Miyerkoles matapos magpahayag ng pagkabahala si ACT Teachers Party List Rep. France Castro sa paglaganap ng mga marahas at seksing pelikula sa mga online platform.

“Ang paglaganap ng mga marahas at seksing pelikula na may mga tema na borderline soft core pornography, streaming sa iba’t ibang online platform, ay naging nakakaalarma. Are you monitoring din po ‘yung mga Netflix at ‘yung mga Vivamax?” tanong ni Castro sa plenary debate sa Kamara.

“Walang kapangyarihan ang MTRCB sa mga ganitong klase ng social media outfit. Humihingi ng tulong ang MTRCB sa august chamber na ito para amyendahan ang batas, para ang ganitong klaseng exhibition, gamit ang makabagong teknolohiya ay masakop ng ahensya,” tugon naman ni Loyola.

“Namo-monitor po, ang problema wala silang kapangyarihan. Hindi po sakop ng kanilang mandato. Kasi noong itinayo ang MTRCB in 1985, wala pa po tayong Netflix, wala pa po tayong internet, wala pa po tayong digital livestreaming pa po. Kaya kailangan natin maamyendahan ang batas na ito, para makatugon sa panahon,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Loyola na ang MTRCB ay bumubalangkas na ng isang panukalang batas upang palawakin ang kanilang hurisdiksiyon upang masakop ang mga social media platform. Nagpahayag si Castro ng pagpayag na itulak ang panukalang batas sa mababang Kapulungan. RNT