KAPANGYARIHAN VS MALILIIT?

KAPANGYARIHAN VS MALILIIT?

July 11, 2022 @ 6:43 PM 1 month ago


NAKABIBILIB ang ipinakikitang ugali sa sambayanan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.  dahil hindi man lang nagbago mula nang maluklok  sa pinakamataas na puwesto sa bansa.

Kung ano ang nakita ng taumbayan na walang ka-ere-ere na pagkatao ng Pangulo noon, iyon pa rin ang namamayani hangggang ngayon kahit siya na ang pinakamakapangyarihang tao sa balat ng ‘Pinas’.

Hindi na binago ng poder ang kanyang mapagpakumbabang pagkatao bagkus ay mas lalo pang inilapit nito ang sarili sa mamamayan upang malaman at matugunan ang pangangailangan ng mga ito.

Likas na kay Pangulong Bongbong ang pagiging matulungin sa taumbayan kaya naman simula nang pumasok ito sa pulitika noong panahong ng yumaong amang si  Apong Ferdie, nakitaan na ito ng magagandang gawi ng isang tunay at totoong lider.

Hindi man lang ito gumanti kahit inalipusta, niyurakan at binalahura kasama ang kanyang pamilya ng mga kalabang pabalik-balik na lang ang ibinabatong isyu’t iskandalo.

Hindi siya tulad ng iba  na mistulang langaw na nakapatong sa kalabaw na higit pa sa amo niya ang ginagawang panlalait lalo na sa mga walang kalaban-laban na mga kababayan. Hayagan ang paggamit ng taong ito  ng poder upang apihin ang maliliit.

May ilan pa nga na naturingan na galing sa isang prestihiyosong institusyong kilalang nagpapalaganap ng tunay na pagiging Kristiyano na bahagyang nakatikim lang ng konting kapangyarihan, walang habas na inaalipusta na ang kanyang mga kababayan at sukdulang yurakan na ang dangal ng mahihirap na lumalapit na nais lang naman maambunan ng kakarampot na grasya.

‘Tangnang poder at kwartang ‘yan na sadyang binabago ang pananaw at paninindigan ng sinomang sa halip na pagsilbihan at tulungan ang naghihikahos na mamamayan,mas lalo pang idinidiin sa putikan ng mga taong itinuturing ang sariling panginoong makapapangyarihan sa lahat.

Ang hindi alam ng mga animal na pansamantala lang ang lahat na posisyon na hinahawakan nila at darating ang araw ay titiklop din ang mga mokong na ito at pagbabayaran ang kanilang kawalanghiyaan sa sambayanan.

Malayo sila sa pagkatao ni PBBM na walang ibang iniisip kundi ibangon ang taumbayan sa lugmok na kalagayan upang kahit paano’y mabigyan ng  konting ginhawa lalo na ang mga pamilya nila.

Siya ang totoong servant leader na matagal nang inaasam-asam ng bansa.