Kapatid ng nasawing middleman sa Lapid slay, swak sa witness protection

Kapatid ng nasawing middleman sa Lapid slay, swak sa witness protection

October 25, 2022 @ 7:32 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Pasok na sa witness protection program ang kapatid ng New Bilibid Prison inmate na umano’y middleman sa Percy Lapid slay, ayon kayJustice Secretary Boying Remulla.

“Yes to both,” sabi ni Remulla nang tanungin sa isang Viber thread kasama ng mga mamamahayag kung ang kapatid na babae ay dinala sa kustodiya ng WPP o kung sasailalim pa siya sa pagsusuri.

Matatandaang si Remulla rin ang nagsapubliko ng pagkasawi ng itinuturong middleman, pero sinabi ng pulisya na mayroon pang isang nag-ayos ng transaksyon sa pagpatay kay Lapid.

Ang nasabing indibidwal ay nasa kulungan din pero ito ay nasekyur na base sa pagsisiguro ni Interior Chief Benhur Abalos.

Dinala ni Social Welfare and Development Secretary Erwin Tulfo ang kapatid sa Department of Justice matapos humingi ng tulong ang kaanak.

“Itinurn-over namin ‘yung isang relative nung involved dito sa kaso so nilagay sa witness protection program,” ayon naman kay Tulfo.

“So sinamahan sa office ko kanina and then ang sabi naman sa akin kasi dito mo dalhin sa witness protection para mabigyan ng proteksyon. So ‘yun ‘yung participation niya sa kaso. Isa sa mga relative na involved sa kaso,” dagdag pa ng kalihim.

Binaril si Lapid habang pauwi sa Las Piñas City noong Oktubre 3. RNT